MATAPOS ang isinagawang pagsusuri ng five-man committee na inatasang magrebisa sa rekord ng 953 senior police officers, 36 ang nakatakdang isalang sa mas malalim na imbestigasyon.
Ayon Col. Jean Fajardo na tumatayong tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), tuluyan nang inabswelto sa anumang kaugnayan sa kalakalan ng droga ang 917 senior police officers na nagsumite ng courtesy resignation bilang bahagi ng tinaguriang ‘internal cleansing’ sa hanay ng kapulisan.
Rekomendasyon ng five-man committee, ibasura ang courtesy resignation ng mga mga inabswelto.
“The assessment committee has already submitted findings to the Department of the Interior and Local Government (DILG) and National Police Commission (Napolcom) for further analysis,” ani Fajardo.
“Nine hundred seventeen (917) out of the 953 have been cleared. But for the remaining 36, they will undergo further evaluation by the Napolcom,” dagdag pa niya.
Pagkatapos aniya ng panibagong pagsusuri ng DILG at Napolcom sa 36 senior police officers, agad na ipapasa sa Palasyo ang resulta ng imbestigasyon para sa angkop na pagpapasya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Buwan ng Enero ng kasalukuyang taon nang sumipa ang imbestigasyon sa 953 senior police officers na pinagsumite ng courtesy resignation ni Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos.