DESIDIDO ang pamahalaan pagbayarin ng karampatang danyos ang kumpanya sa likod ng barkong MT Princess Empress na sumuka ng hindi bababa sa 800,000 litro ng langis sa karagatan ng Oriental Mindoro, ayon kay Justice Sec. Crispin Remulla.
Katunayan pa ani Remulla, pinag -aaralan na ng mga abogado ng departamento ang susunod na hakbang sa sandaling sumablay sa itinakdang deadline ang insurance company na pinangangalandakan ng may-ari ng lumubog na barko.
Kabilang sa posible aniyang ihain ng kagawaran ang Writ of Kalikasan.
“Meron kaming deadline na ibinigay and if they are not able to abide by the deadline we will file a writ of kalikasan case against those who have to be made to account. Government and private. Whoever has to account to the writ of kalikasan. If they do not anything within the next 10-days,” sambit ni Remulla.
Bukod sa MT Princess Empress, sinisilip rin ng Kalihim ang pananagutan ng mga regulatory bodies na aniya’y posibleng may pagkukulang na humantong sa oil spill na lubhang nakaapekto sa kabuhayan ng mga mangingisda, turismo at kalikasan.
“Tamaan na ang tatamaan, kasi we’ve said this….this is a crime – the sea is now the scene of the crime…you know that, so we have to work within that premise that the crime has committed and we have to correct the effects of the crime,” dagdag pa ni Remulla.