WALO sa kada 10 Pilipino ang nais makita ang pagharap ni Vice President Sara Duterte sa paglilitis para direktang sagutin ang mga kinakaharap na paratang.

Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang resulta ng pinakahuling survey na pinangasiwaan ng Social Weather Stations (SWS).

Base sa datos ng survey na nakalap noong Setyembre 21 at 27, nasa 78% ng adult Filipinos ang naniniwalang mahalaga ang personal na pagsalang sa witness stand ng bise presidente para magbigay ng testimonya.

“That speaks how the public now clamors for the explanation directly from the Vice President… And that speaks a lot,” wika ni Alonto Adiong.

Giit ng House trial spokesperson, nais ng publiko na mismong si Duterte na ang magpaliwanag hinggil sa ebidensya ng prosekusyon kaugnay ng financial transactions at assets ng pangalawang pangulo.

“The public’s clamor for the Vice President to finally explain to the public kung saan nanggaling itong discrepancy, itong butal, itong hindi naideklara, itong amount na ito na lumabas base sa records ng kanyang mga bangko, records ng kanyang corporate income na hindi na-explain,” dugtong ng Lanao del Sur solon.

Matatandaan na sa pagpapatibay ng prosekusyon sa inihaing Article II o ang unexplained wealth charge, inilahad ni prosecution witness Alexander Cabrera ang financial forensic analysis sa mga financial records ng nasasakdal at mister na si Atty. Manases Carpio. 

Sa naturang testimonya, tinatayang aabot sa P817.87 million ang umano’y undeclared assets at unexplained wealth ng mag-asawa.

Naniniwala ang prosekusyon na ang ulat ng expert witness ay naglagay sa seryosong katanungan hinggil sa pagsunod ni Duterte sa itinatakda ng Saligang Batas partikular sa tamang pagdedeklara ng yaman ng mga opisyal ng gobyerno sa pamamagitan ng pagsusumite ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN). 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *