MATAPOS ang halos pitong buwan sa imbakan, inaprubahan ng Department of Finance (DOF) ang mungkahi ng Bureau of Customs (BOC) na ipamahagi na lamang ng libre sa mga maralitang pamilya ang nasa 80,000 sako ng smuggled sugar na nasabat ng kawanihan sa Port of Batangas noong buwan ng Enero ng kasalukuyang taon.
Sa isang seremonya, nilagdaan na rin nina Customs Commissioner Bienvenido Rubio at Agriculture Undersecretary Domingo Panganiban ang Deed of Donation na nagbigay hudyat para isalin sa pangangasiwa ng Department of Agriculture (DA) ang 4,000 metriko toneladang refined white sugar mula sa bansang Thailand.
Sa ilalim ng kasunduan, hindi ibebenta ang 80,000 sako ng Thailand white sugar at libreng ipapamahagi sa mga pamilyang Pilipino sa ilalim ng food programa ng gobyerno – “Seized sugar with commercial value and capable of legitimate use may be disposed by the BOC through donation to government institutions”, saad umano sa isang bahagi ng Sugar Regulatory Administration (SRA) Memorandum Circular No. 4 series of 2022-2023.
Enero 12 nang masabat ng BOC ang kargamentong lulan ng MV Sunward na dumaong sa Port of Batangas. Kinumpiska ang asukal matapos mabigo ang may-ari ng kargamento makapagpakita ng patunay na legal ang pagpasok ng asukal.