
SA halip na linisin ang loob ng ahensyang higit na kilala sa katiwalian at kapalpakan, target ng bagong Land Transportation Office chief na habulin ang mga naglipanang fixers sa iba’t ibang tanggapan ng LTO sa buong bansa.
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza, nakatakda silang makipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) para sa pagsasagawa ng operasyon laban sa mga fixers na ka-transaksyon ng mga motoristang nagpaparehistro ng kanilang sasakyan at mga aplikante para sa lisensya.
Target din aniya ng LTO ang mga online fixers na nag-aalok ng serbisyo kapalit ng libong piso.
“We are planning to conduct operations on a regular basis. Sustained operations by joining the PNP and the LTO will surely make these fixers think twice before engaging in their illicit activities,” pahayag ni Mendoza.
Ayon pa kay Mendoza, gagamit sila ng mga tinawag niyang mystery applicants na ‘magpapatulong’ sa mga fixers at magbibigay ulat sa kalidad ng serbisyo ng iba’t ibang tanggapan ng LTO.
“We must ensure that the services of the LTO are efficient and effective, and less complicated for the public. We will work towards more simple measures as we do away from bureaucratic processes,” pagtatapos ni Mendoza.