
LIGTAS ang anim na Pinoy na bumalik sa Gaza City gayundin ang tatlong iba pa nagdesisyon na magpaiwan doon sa harap ng ginagawang pag-atake ng Israeli troops, ayon kay Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega.
Tinukoy ni De Vega ang anim na Pinoy na kasabilang sa isang pamilya na bumalik sa Gaza City mula southern Gaza habang hinihintay na makatawid sa Rafah border papuntang Egypt.
Ang tatlong iba pang Pinoy ay nanatili sa Gaza City sa kabila ng mandatory evacuation ng Philippine government sa ilalim ng Alert Level 4.
“Ang mabuti naman na balita, silang anim at saka ‘yung tatlo pa na talagang nandoon nanatili doon, kasama doon ‘yung isang madre, ay safe naman. Uninjured sila. Gayunpaman, alam nating hindi maganda ang sitwasyon doon nga sa pag-aatake ng Israel sa Hamas targets,” sabi ni De Vega sa public briefing.
Nasa 136 Pinoy ang nasa Gaza Strip. Karamihan sa kanila ay naghihintay na buksan ang Rafah border para makatawid ng Egypt.
Gayunman, sinabi ni De Vega na 10 Filipino sa Gaza ang hindi makontak mula noong Biyernes matapos putulin ng Israel ang internet at phone network sa lugar.
Ang natitirang 126 Pinoy ay ligtas ngunit limitado ang pagkain at tubig.
Umaabot naman sa 57 Filipino ang nasa labas ng Rafah border at naghahanda nang makatawid mula Gaza papuntang Egypt at naghihintay na lamang ng notice.