NAGBABALA ang Bureau of Immigration (BI) sa publiko laban sa mga illegal recruiters na nag-aalok ng trabaho sa mga Pinoy sa China nang walang overseas employment visas.
Inisyu ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang babala matapos malaman ang pagdating ng limang Filipino na ipinatapon ng China pabalik ng bansa.
Inaresto at ikinulong ang mga Pinoy sa China dahil sa illegal na pagtatrabaho roon.
Tatlo sa mga ito ang dumating noong Oktubre 20 sakay ng Air Asia flight, habang ang dalawa ay dumating kinabuksan sakay ng China Southern Airlines galing ng Guangzhou province, China.
Sa interview ng miyembro ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES), sinabi ng mga biktima na ni-recruit sila para magtrabaho sa China.
Hindi umano kinailangan ang overseas work permits mula sa gobyerno.
Nagtrabaho umano sila sa China bilang hotel housekeeper, caretaker, private tutor, at household service workers (HSWs).
Ilan sa kanila ang nagpalipat-lipat ng employer at inamin na illegal silang nagtrabaho sa China.
Isang babaeng biktima ang nagsabi na nagtrabaho siya bilang yaya at isinama ng buong pamilya ng recruiter.
Hindi umano siya binayaran ng tama at sobra-sobrang trabaho ang iniuutos sa kanya.
Nakulong siya ng 70 araw matapos arestuhan ng mga awtoridad sa China. Sinabi ni Tansingco na magsilbing aral sana sa iba pa ang nangyari sa mga biktima na hindi dumaan sa tamang proseso.
“The best way to avoid these sad experiences is for you to go through the legal process that migrant workers should follow in applying for overseas jobs,” ayon pa sa BI chief.
