BAGAMAT tama lang na ipatid sa publiko ang mga programa at proyekto ng mga opisyal sa gobyerno, walang kinalaman sa impeachment case ang accomplishment report na inilabas ni Vice President Sara Duterte.
Ito ang buod ng pahayag ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na tumatayong tagapagsalita ng House prosecution panel.
Para kay Alonto Adiong, mas inaabangan ng taumbayan ang direktang sagot at pagharap ni VP Sara sa mga seryosong alegasyon sa isinampang kaso.
“Maganda pong malaman ng publiko ang mga programang ipinatupad ng OVP. Pero hindi po iyon ang isyu sa impeachment case,” bungad ng Mindanaoan solon.
“Ang mga alegasyon ay tungkol sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, unexplained wealth, panunuhol, at pagbabanta laban sa Pangulo, hindi po masasagot ng accomplishment report ang mga isyu na iyan,” dugtong ng kongresista.
Giit ni Alonto Adiong, walang masama sa pagtulong sa mamamayan, bagama’t isa ito sa pangunahing responsibilidad ng isang public official, subalit sa parte aniya ng bise presidente, hindi nito mabubura ang mga seryosong alegasyon ng katiwalian, pang-aabuso sa pondo, at iba pang paglabag sa batas.
“Hindi accomplishment report ang hinihintay ng publiko ngayon. Ang hinihintay nila ay mga sagot sa mga seryosong alegasyon laban sa pangalawang pangulo,” wika ng mambabatas.
“Ang tunay na tanong ay kung karapat-dapat pa ba siyang manatili bilang pangalawang pangulo. Iyan ang pagpapasyahan sa impeachment trial,” aniya pa.
Ginawa ni Alonto Adiong ang pahayag matapos na ipagwagwagan ng Office of the Vice President (OVP) ang accomplishment report na kinabibilangan ng pagbibigay umano ng medical assistance, pagsasagawa ng disaster response, libreng-sakay at pagtatanim ng higit isang milyong puno sa unang tatlong taon sa posisyon ng bise-presidente.
Mayroong pang pahaging ang OVP sa pagsasabing nananatili siyang matatag sa kabila ng “baseless criticisms and systematic attacks” laban sa pangalawang pangulo.
“Kung totoong walang basehan ang mga paratang, ito na ang pagkakataon para malinaw niyang sagutin ang mga ito sa tamang forum at sa ilalim ng proseso ng impeachment.”
