Ni Estong Reyes
LUBHANG apektado ang halos lahat ng magsasaka sa Cordillera region sanhi ng talamak na agricultural smuggling na pumipilay sa kanilang hanapbuhay dahil mas mababa ang halaga ng puslit na kargamento.
Ganito ang resulta ng isinagawang konsultasyon ni Senador Lito Lapid kasama si Benguet Congressman Eric Yap sa magsasaka at biyahero ng gulay at iba pang produktong pang-agrikultura sa ilang trading post sa La Trinidad Valley, nitong Biyernes.
Natuklasan ni Lapid na malaki ang problema ng magsasaka at biyahero ng gulay na nagmumula sa Benguet dahil talamak na smuggling, hoarding at profiteering ng produktong agrikultura, kabilang na ang sibuyas, bawang, carrots, bigas, asukal at iba pa.
“Ibinabagsak ng smuggler ang presyo ng agricultural products na illegal na inangkat na siyang unti-unting pumapatayn sa magsasakang Filipino, partikular sa Cordillera Region,” ayon kay Lapid.
Bukod sa mababang halaga ng illegal na inangkat na produkto, ginigipit din ng middlemen o kapitalista na nagpapautang ng puhunan at farm inputs ang mga magsasaka kaya’t naibebenta ang kanilang produkto nang palugi.
“Mahalaga ang kabuhayan ng ating magsasaka dahil trabaho niya ay pakainin ang sambayanang Filipino,” diin ni Lapid.
Dahil dito, mahigpit na hiniling ni Lapid sa kasamahan sa Kongreso na kaagad pagtibayin ang Senate Bill No. 2432 na nakabinbin ngayon sa ikalawang pagbasa.
Layunin ng panukala na amendahan ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act ng 2016 na naglalayong patawan ng parusang habambuhnay ang sinumang miyembro ng sindikato sa agricultural smuggling, kabilang ang hoarding at profiteering.
Kinatigan ni Yap ang panukala dahil kailangan ang “whole government approach” upang labanan ang agricultural smuggling at hoarding.
Sa ilalim ng batas, itinuturing na economic sabotage ang smuggling ng bigas at iba pang agricultural products.
Bukod sa konsultasyon, namahagi din sina Lapid, Yap at Benguet Mayor Romeo Salda ng ayuda sa mahigit 200 cancer at dialysis patients sa lugar.