Ni Estong Reyes
IPINALATAG ni Senador Alan Peter Cayetano sa gobyerno ang tinaguriang “win-win solution” na magagamit ng transport group sa gitna ng jeepney modernization dahil malaki ang gastusin sa programa at mahirap mangutang sa bangko.
Sa pahayag matapos ang konsultasyon sa ilang transport group sa Baguio City, ipinangako din ni Cayetano na kanyang tututukan ang ilang suliranin ng transport groups na nahihirapan sa pag-modernize dulot ng kawalan ng matibay na programang pabor sa jeepney driver at operator..
“First and foremost, hundred percent I hear you… So count on me to be one of those na magbabantay at titingin [sa issue na ito],” sagot ni Cayetano sa tanong ng isang transport group adviser sa isang press conference sa Baguio City nitong November 25, 2023.
Ayon kay Joseph Cabanas ng Gabriela Silang Operators and Drivers Association, hindi naman tutol sa modernization ang mga transport group kundi humihingi lang ng tulong sa gobyerno upang makapangutang.
“Gusto namin [ng modernization]. Mangungutang kami pero may counterpart sana ang gobyerno.” wika ni Cabanas.
Sinabi ni Cayetano na nauunawaan niya ang mga transport group dahil isa sila sa mga lubhang naapektuhan ng COVID-19 pandemic dahil karamihan ng mga tao ay hindi pinalalabas ng tahanan.
At ngayong tapos na ang medical emergency, patuloy na naghihirap ang maraming tao. “Just because the pandemic is over and big businesses have recovered doesn’t mean lahat ng Filipino naka-recover na,” wika ni Cayetano.
“The reality is y’ung may mga parlor na maliit, carinderia, y’ung mga nag-invest ng 1-2 million (pesos) sa small buisiness — kung naubos ‘yan n’ung pandemic, hindi nila basta-basta mapo-produce ngayon ulit yan,” dagdag niya.
Ayon kay Cayetano, hindi naisaalang-alang ng nakaraang administrasyon ang pagkaka-iba-iba ng mga lugar sa bansa kaya’t ang inilatag nitong transport modernization program ay tila “one-size-fits-all.”
“Kung sa gamot walang cure-all, sa programa ng gobyerno lalo in a country with more than 7,000 islands, wala namang one-size-fits-all,” aniya
“Kasi hindi pare-pareho. May mga lugar na mas malalaki ang highway so mas maraming jeep than tricycle. Dito sa Baguio maraming taxi, then the buses papunta ng [malalayong lugar tulad ng] Dagupan, Nueva Ecija, Manila,” dagdag niya.
’Win-win’ formula ang PTK
Sinabi ni Cayetano na tulad ng programang sinimulan — ang PTK (Presyo, Trabaho, Kita/Kaayusan) — napatunayan na mabisa sa pagtugon sa mga pangangailangan ng sectoral groups na nahihirapang kumuha ng pautang.
Ikinuwento niya ang karanasan ng isang PTK group sa Iloilo na nakatanggap ng P250,000 sa kanyang programa at napalago ito hanggang sa nakabili ng 90 buses gamit ang isang P100-million loan.
Ngayon aniya, kumukuha ito ng isa pang P100-million loan para sa karagdagang electric buses.
“What do they have na wala sa iba? A win-win formula. Wala namang problema kung magka-utang basta sure kang mababayaran mo at sure kang makakautang at sure kang kikita,” aniya.
Sabi ni Cayetano, ito ang “hugot” ng isa pa niyang programa na nagbibigay ng P10,000 sa nangangailangan.
“It was not standalone. Ang kasama ng programa na y’un is how to provide financing na merong at least one to three years na grace period… Huwag ka munang magbayad ng one to three years hanggang makabawi [ang negosyo mo],” wika niya.
Sinabi ni Cayetano na tiyak niyang gugustuhin ng mga transport group na magmodernize basta makakakuha sila ng katulad na programa.
“Basta win-win, most [drivers and operators] papayag [sa modernization],” aniya.
Karagdagang Balita
1M BOTANTE BISTADO SA MULTIPLE REGISTRATION
PAOCC SPOX NANAMPAL, SINIBAK NG PALASYO
DEMOLITION JOB KONTRA KAMARA, INALMAHAN