MAHIGIT isang milyong katao na ang apektado ng shear line at low pressure area bunsod ng walang patid na pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management (NDRRMC) ngayong Linggo. Dalawang linggo na umanong hindi tumitigil ang pag-ulan, ayon pa sa report.
Nasa kabuuang 254,160 pamilya na kinabibilangan ng 1,003,271 indibidwal ang apektado ng pag-ulan at pagbaha.
Ang mga apektado ay mula sa 1,452 barangay sa Calabarzon (Region 4A), Mimaropa (Region 4B), Bicol (Region 5), Western Visayas (Region 6), Eastern Visayas (Region 8), Northern Mindanao (Region 10), at Caraga (Region 13).
Sa mga apektado, nasa kabuuang 81,110 indibidwal ang nawalan ng tirahan kabilang ang 48,411 indibidwal na nasa 156 evacuation centers sa rehiyon.
Ang iba ay nakikitira sa kaanak.
Sinabi ng NDRRMC na dalawa ang namatay sa Eastern Visayas samantalang sugatan ang isa dahil sa masamang panahon.