MATAGUMPAY na naibalik sa Pilipinas si dismissed Bamban Mayor Alice Guo matapos ang halos isang buwang paglukso sa tatlong karatig bansa sa Asya, kabilang ang Indonesia kung saan siya nadakip.
Sakay ng isang private jet mula sa Jakarta, Indonesia dakong ala 1:30 ng madaling araw kanina nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) si Guo kasama sina Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos at Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Marbil.
Kinumpirma naman ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco ang matagumpay na pagbabalik ng sinibak na alkalde para harapin ang mga kasong isinampa sa husgado kaugnay ng illegal POGO, human trafficking, money laundering at iba pa.
“Guo arrived at Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at approximately 1:30 AM on September 6 aboard a special government flight. Her return comes after a swift operation by Philippine immigration authorities in Jakarta, in coordination with their Indonesian counterparts,” saad sa pahayag ng BI.
Sa isang pulong-balitaan na ipinatawag matapos ang matagumpay na misyon sa Jakarta, “sinabi ni Alice natatakot siya sa buhay nya kaya sya umalis sa bansa,” wika ni Abalos.
“Sabi natin sabihin mo lahat at poproteksyunan ka ng police… importante malaman natin ang totoo,” anang Kalihim.
Sa panig ni Guo, inamin ng puganteng former mayor na siya mismo ang humingi ng tulong sa DILG chief para sunduin na siya sa Jakarta.
“Kinoconfirm ko po ang lahat ng sinabi ni Sec. at humingi ako ng tulong sa kanila at masaya ako na nakita ko sila and I feel safe po,” sambit naman ng dating mayor.
Buwan ng Hulyo ng sibakin sa pwesto bilang alkalde ng Bamban, Tarlac ang 33-anyos na si Guo na nahaharap sa patong-patong na asunto kabilang ang pagkakasangkot sa illegal POGO operation hindi kalayuan sa kanyang tanggapan sa munisipyo.
Bukod sa koneksyon sa illegal POGO, nahaharap din ang sinibak na mayor sa kasong human trafficking, tax evasion, at money laundering.
