MATAPOS mabulilyaso ng Bureau of Customs (BOC) ang nasa P155-milyong halaga ng mga produktong agraryo, nanawagan ang isang consumer group sa pamahalaan para pagtuunan ang tunay na problema ng mga konsyumer.
Ayon sa grupong Malayang Konsyumer, tanging layunin lang ng Senate Bill 1812 na inakda ni Sen. Lito Lapid ay isulong ang interes ng mga dayuhang kapitalista sa likod ng industriya ng tabako.
Paglalarawan ng grupo sa isinusulong na panukalang amyenda sa Republic Act 10845 (Anti-Agri Smuggling Act of 2016) ni Lapid, ‘anti-Filipino” – walang benepisyo sa ekonomiya ng bansa, bukod pa sa banta sa kalusugan ng mga mamamayan.
Sa ilalim ng SB 1812 ni Lapid, ihahanay ang tabako sa kategorya ng bigas, asukal, gulay at iba pang ‘agri-products.’
“Kwestyunable ang timing ng panukalang batas ni Sen. Lapid. Habang ang mga smuggler at kartel ay nagpupuslit at nagtatago ng tone-toneladang produktong agrikultura, tila mas nakatuon ang mabuting senador sa pagtulong sa mga dayuhang kompanya ng tabako na nagsusulong ng proteksyon ng sigarilyo simula noong third quarter pa ng 2022,” ayon kay Malayang Konsyumer spokesperson Atty. Simoun Salinas.
Libo-libong tonelada ng mga produktong pansakahan ang nasabat mula sa 24 na bodega, kasama na rito ang 40 hanggang 50 toneladang imported na sibuyas at bawang na nagkakahalaga ng P40 milyon, at halos 250 toneladang imported na sibuyas at bawang na katumbas naman ng P95 milyon.
“Kailangan tugunan ang mga kasong tulad nito, kaya nananawagan kami kay Sen. Lapid na magtuon ng pansin sa problemang ito, tahakin ang direksyong mas pro-Filipino at pangalagaan ang mga Pilipinong magsasaka at konsyumer.”
“Dapat niyang ipaglaban ang pagpapanatili sa mga mahahalagang bilihin at produktong pansakahan bilang pangunahing layunin ng Smuggling Law, pati na rin ang mas mabigat na parusa para sa mga smuggler at kartel. Wala dapat sa listahan ang tabako. Pabayaan natin ang mga dayuhang kumpanya ng tabako sa kanilang sariling laban, hindi dapat payagan na gamitin ang mga seryosong problema tulad ng agri smuggling upang itulak ang kanilang agenda,” litanya ng abogado.
Aniya, hindi lumalago ang lokal na produksyon ng tabako sa bansa at walang nakikitang pag-usad sa mga susunod na taon. Ang dahilan – kontrolado na ng mga dayuhang kumpanya ang merkado.
“Ang mga amyendang pinapanukala ng SB 1812 ay walang direktang pakinabang sa mga lokal na magsasaka ng tabako. Ang totoong pinoprotektahan ng panukalang batas ni Lapid ay ang mga imported na sigarilyo, hindi ang lokal na tabako,” ayon naman kay Malayang Konsyumer convenor Christian Real.
Panawagan ni Real sa Senado – unahin ang “pagkain hindi bisyong banta sa kalusugan ng mga tao.”
“Talaga bang gusto nating bigyan ng espesyal na proteksyon ang tabako at mga produktong tabako? Huwag na muna tayo sa mga naninigarilyo. Mas maraming problema ang mga konsyumer.”