KINUMPIRMA ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na pasok na sa kategorya bilang pugante o fugitive from justice ang negosyanteng si Atong Ang na nahaharap sa patong-patong na kasong kriminal kaugnay ng tinaguriang “missing sabungeros.”
Bagamat hindi pa naaresto ang pinaniniwalaang utak sa likod ng pagdukot at pagpatay ng hindi bababa sa 100 sabungero, tiniyak ni Fadullon na hindi abiya nangangahulugang hindi umuusad ang kaso, dahil 17 sa mga akusado nasa kustodiya na ng mga awtoridad at handa nang litisin.
Taliwas sa giit ng kampo ni Ang, masusing pinag-aralan ng husgado ang mga ipinrisintang dokumento, testimonya at ebidensyang basehan sa paglabas ng mandamiento de arresto.
Giit ng tagausig, may sapat na basehan ang korte sa inilabas na direktiba — dakpin si Atong Ang.
Samantala, bukas ang Department of Justice (DOJ) sa posibilidad ng paghahain ng motion to quash bago ang arraignment.
Gayunpaman, hindi aniya maaaring aksyunan ng hukuman ang anumang affirmative relief ng kampo ni Ang hanggat wala pa sa kustodiya ng husgado ang akusado.
Sa huling impormasyon ng DOJ, nasa Pilipinas pa rin si Ang. (JULIET PACOT)
