KUMBINSIDO ang asawa ng tinaguriang flood control queen na sadyang idiniin si Sara Discaya sa flood control scandal para makalusot ang mga politikong kaalyado ng administrasyon.
Sa isang panayam, iginiit ni Pacifico “Curlee” Discaya na hindi ang kanyang asawa ang “big fish” sa maanomalyang flood control scandal, kasabay ng giit na yaong mga politiko at mga opisyal na tumanggap ng 25 percent flood control kotong ang pasimuno ng bulilyaso.
Nagpahayag din ng pagsisisi si Curlee sa aniya’y kanilang paglalahad ng katotohanan at pagbanggit ng mga pangalan ng politikong nakinabang ng husto sa pondo ng gobyerno.
Paglilinaw ni Curlee, hangad lamang umano nilang mag-asawa ilantad ang katotohanan na wakasan ang bulok na sistema.
Tulad ng lagayan (kickback system) na kinasasangkutan ng ilang mataas na opisyal ng pamahalaan at Department of Public Works and Highways.
Subalit sa halip na paboran umano ng pamahalaan ang maganda nilang intensyon, sila pa ngayon ang ginawang “big fish.”
Yun aniyang pinalilitaw ng gobyerno na P180 bilyon “ghost project” ay proyekto suma-total ng kontratang kanilang nasungkit sa loob ng 20 taon.
Wala rin umanong ghost projects sa alinman sa mga kontrata sa paggawa ng kalsada at eskwelahan. Katunayan aniya, dumaan ang mga nasabing proyekto sa Commission on Audit (COA).
Ayon pa kay Discaya, tulad ng kanya umanong narinig na balita sa Bicol madali kumuha ng delivery ng pera ang DPWH kaya intensyonal na nagagawa umano ng mga ito ang ghost project.
Dagdag ni Curlee, sa pagdinig umano ng Senado, hanggang 2022 lang abot ang flood control. Wala umano sa usapan na hanggang 2016, ngunit tinamaan ang mga kongresistang kaalyado ng administrasyon.
Hindi na rin aniya pwedeng magdagdag ng mga pangalang sangkot sa flood control project dahil may mga personalidad na hindi dapat mabahiran.
“Kung hindi namin pinangalanan yung mga pulitiko na yun, sana yung misis ko hindi nakakulong. (EDWIN MORENO)
