ILANG araw bago tuluyang magretiro sa serbisyo, pinabulaanan ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Rodolfo Azurin Jr. ang alegasyong cover-up kaugnay ng kasong kinasasangkutan ng sinibak na si Master Sergeant Rodolfo Mayo Jr.
Sa isang pulong balitaan sa punong himpilan ng PNP sa Camp Crame, itinanggi rin ng heneral ang di umano’y tangkang ibalam ang imbestigasyon naglalayong tumbukin ang kaugnayan ni Mayo sa kalakalan ng droga.
“Why start a fact-finding group in the first place if there was no intent to dig deeper in the drug mess, which obviously continued to persist through the years,” ani Azurin.
“The SITG (Special Investigation Task Force) findings will prove wrong the critics’ claim that there was an attempt to derail the investigation.”
Nang tanungin kung bakit ngayon lang siya lumutang para magsalita, sinabi ni Azurin na sadyang piauna niya ang iba pang opisyales na isinangkot ni Interior Secretary Benhur Abalos.
“Ang reason diyan is pag ako kasi ang humarap kaagad, I have to give ‘yung mga ibang naakusahan their time to also explain their side. Kaya nga inuna natin si Colonel (Narciso) Domingo because he also has something to say.”
Kamakailan lang sinibak sa pwesto si Domingo bilang director ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG) upang bigyang-daan ang patas na imbestigasyon hinggil sa P6.7 bilyong halaga ng drogang nasamsam sa operasyon ng PDEG sa lungsod ng Maynila noong Oktubre ng nakaraang taon.
Para kay Azurin, hindi angkop na isinapubliko ni Abalos ang pangalan ng mga heneral, kasabay ng giit na dapat idaan sa tamang proseso (due process) ang anumang usaping legal kaugnay ng maselan na operasyon kontra droga.
“It’s very unfair because we are accusing generals, ano ho ang ebidensya natin? Benjie Santos was there because I directed him to go there to supervise, magbigay ng instruction sa imbentaryo. It’s very unfair to him talaga,” aniya pa.
“We really need to observe due process because these generals are being accused,” dagdag pa ng PNP chief na nakatakdang magretiro pagsapit ng kanyang ika-56 kaarawan sa Abril 24.
Samantala, inamin ni Azurin na naipagpulong na siya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa naturang isyu.
“I don’t want to be disrespectful to our President. Before I face you, sinabi ko na ‘yung ano… sinagot ko na ‘yung mga issues na I’m covering up for Mayo.”
Hinikayat rin niya si Abalos na pagtuunan ng atensyon ang mga tunay na kalaban ng estado.
“Let us focus on the real enemy. Let me also call the attention of our kind SILG to take a second look at the people who may be feeding him misinformation to cast doubt on the integrity of the PNP organization.”