
SA dami ng kinakaharap na kasong kriminal, masusing pinag-aralan ng Department of Justice (DOJ) ang posibilidad na irekomenda sa Anti-Terrorism Council na ipasok ang pangalan ni suspended Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves Jr. sa talaan ng mga terorista.
Sa Senate Committee on Public Order kaugnay ng pamamaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo, inamin ni Justice Secretary Crispin Remulla ang aniya’y isa sa mga kinokonsidera ng kagawaran ang ihanay ang nagtatagong kongresista sa kategorya ng terorista.
Ayon kay Remulla, ang naturang hakbang ay alinsunod ng kanilang isinagawang ‘assessment’ batay sa umiiral na Anti Terror Law.
Kabilang aniya sa kanilang batayan ang dami ng nakumpiskang baril at sinumpaang salaysay ng mga arestadong salarin (siyam na dating sundalo at isang dating NPA) na sumalakay sa bahay ni Degamo sa Bayawan City noong Marso 4.
Samantala, hindi na itinuloy ng Senate Committee on Peace and order ang pagdinig sa bisa ng unanimous decision na nagbasura sa giit na ‘virtual presence’ ni Teves.
Pag-amin ni dela Rosa, wala maski isa sa kanila ang nakakaalam sa kinaroroonan ni Teves.
“Dahil hindi alam ng sinuman sa bansa ang eksaktong kinaroroonan ni Teves, hindi namin siya (Teves) masasabihan pumunta sa embahada para makapanumpa sa kanyang mga isasalaysay sa komite.”
Paglilinaw ni dela Rosa, mananatiling bukas ang Senado para sa pakinggan ang panig ni Teves sa sandaling handa na ang suspendidong kongresista umuwi sa Pilipinas para harapin ang mahabang talaan ng mga kasong kriminal na inihain ng DOJ.