
HINDI lumusot sa Senado ang tangka ng isang senador na pahintulutan dumalo (via virtual meeting) ang pangunahing suspek sa likod ng kabi-kabilang patayan sa Negros Oriental – kabilang ang pamamaslang kay Gob. Roel Degamo.
Sa pagsipa ng pagdinig ng Senate Committee on Peace and Order, pinalagan ni Sen. Risa Hontiveros ang kapwa mambabatas na si Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa iniumang na pagdalo ni Rep. Arnulfo Teves Jr. na pinaniniwalaang nagtatago sa ibang bansa.
Ayon kay Hontiveros, ilegal ang isinusulong na pagdalo (via online) ni Teves.
“I believe that our rules of procedure governing inquiries in aid of legislation, require that witnesses to our proceedings be placed under oath or affirmation prior to giving their testimony. Nasa ibang bansa ba si Rep Teves? Nasa aling embassy ba sIya? How is he going to take his oath as a witness?,” giit ng militanteng senador.
Aniya, mas angkop kung uuwi na lang sa Pilipinas si Teves para harapin ang santambak na kasong ipinukol ng Department of Justice (DOJ).
Paglilinaw ni Hontiveros, hindi siya tutol sa pagharap ni Teves sa pagdinig ng Senado.
“Kaya para kay Rep. Teves, sana ay umuwi ka na para harapin ang mga isyu at kasong ipininupukol sa iyo. Sir, sa ikapapanatag ng lahat sana po ay magpakita ka dito sa ating hearing physically at hindi virtually.”
Marso 4 nang pasukin at paulanan ng bala ng hindi bababa sa 10 armadong kalalakihan ang bahay ni Degamo sa Bayawan City kung saan siyam ang nasawi (kabilang si Degamo).
Matapos ang insidente, agad na nasukol ang mga suspek na nagnguso naman kay Teves na nag-utos sa kanila para patayin ang gobernador.
Bukod kay Degamo, lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na si Teves din umano ang nasa likod ng iba pang patayan sa nasabing lalawigan mula pa noong 2019.