Ni EDWIN MORENO
Hindi pa man nag-iinit sa pwesto, agad na inilahad ni Department of Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla ang prayoridad ng kagawaran sa ilalim ng kanyang liderato.
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni Remulla ang mga mekanismong akma para ibalik ang sigla (morale) sa hanay ng Philippine National Police (PNP) para sa mas epektibong kampanya laban sa ilegal na droga.
Garantiya ng bagong Kalihim, hindi kailanman magiging bahagi sa kampanya kontra droga ang extrajudicial killings na ipinatupad sa ilalim ng nakalipas na administrasyon ni former President Rodrigo Duterte.
Kung pagbabatayan aniya ang datos ng pambansang pulisya sa nakalipas na dalawang taon, nasa tamang direksyon ang kampanya kontra droga ng PNP na nakatuon sa aspeto ng “supply and demand” sa merkado.
“Hindi sapat na may nahuli tayo. Dapat matunton at puksain ang pinagmulan ng droga. Hindi na rin uubra ang pagsasampa ng depektibong kasong karaniwang binabasura lang ng husgado. Kailangan airtight ang ebidensya.”
