
NI ESTONG REYES
NANG isabatas ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program na mas kilala sa tawag na 4Ps, malinaw ang layunin ng pamahalaan — ang tugunan ang child stunting o pagkabansot ng bata sa bansa.
Gayunpaman, tila bigo ang 4Ps, ayon kay Senador Alan Peter Cayetano, kasabay ng panawagan sa Department Social Welfare and Development (DSWD) na repasuhin ang naturang programa ng gobyerno.
Sa deliberasyon ng Senado hinggil sa panukalang 2025 budget para sa DSWD, inatasan ni Cayetano ang ahensya na busisiin ang programa dahil walang epekto ang pinamudmod na pondo upang labanan ang pagkabansot ng bata.
Base sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) nitong taon, kulang ang early childcare at prenatal intervention sa Pilipinas kaya mataas ang stunting rate sa bansa.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang stunting ay ang mahinang paglaki ng isang bata dahil sa kakulangan sa nutrisyon at paulit-ulit na impeksyon.
Maaari itong humantong sa poor cognition, low educational performance, mababang productivity sa pagtanda, at maging pagkamatay.
“According to UNICEF, 95 children in the Philippines die every day from malnutrition, and 27 out of every 1,000 Filipino children don’t make it past their fifth birthday,” ani Cayetano.
Kinwestyon din ng senador kung epektibo ang 4Ps, na nilikha upang tugunan ang kagutuman at kahirapan sa bansa.
“If the 4Ps is meant so that may makain ang mga bata para hindi sila maging malnourished, and if the 4Ps takes care of the poorest of the poor, bakit one-third of Filipinos ang stunted pa rin?” aniya.
Umabot sa P114 bilyon ang hinihinging pondo ng DSWD para sa pagpapatupad ng 4Ps sa susunod na taon — mas mataas ng P8 bilyon kaysa budget ngayong taon.
Sa kasalukuyan, 4.2 milyong pamilya ang benepisyaryo ng 4Ps program. Kabilang sa mga benepisyo ay buwanang health grant na hindi bababa sa P750 para sa pagpapabuti ng kalusugan ng mga bata at buntis tulad ng regular na check-up at tamang nutrisyon.
Giit ni Cayetano, hindi lamang dapat subaybayan ng DSWD ang pagtupad ng benepisyaryo sa ilang kondisyon ng programa kundi kung tunay nga bang napapabuti ang nutrisyon ng bata o hindi.
“There’s a disconnect between the policy, the funding, and the actual results. Are we falling short with 4Ps?” pahayag niya.
“The first priority should be making sure these kids aren’t going to school hungry,” dagdag ng senador.
Aniya, posibleng hindi rin sapat ang kaalaman ng mga magulang tungkol sa masustansyang pagkain kaya hindi nagagamit nang maayos ang health grants.
“Many parents might not know the best way to spend the money on proper nutrition.”
Nababahala ang senador dahil sa pangmatagalang epekto ng stunting sa kabataang Pilipino, na may negatibong epekto sa ekonomiya ng bansa — “The highest return on investment is in maternal health and early childhood.”
Aniya, napakalaking bahagi ng unang dalawang taon ng buhay ng isang bata sa kahihinatnan niya sa pagtanda.
“Stunting after two years can be permanent, irreversible, and even fatal. It’s not just about increasing funds but ensuring that those funds are truly addressing child stunting and malnutrition,” pahabol ni Cayetano.