ISANG araw pagkatapos ng pinananabikang State of the Nation Address (SONA), nakatakdang lumipad sa ika-14 na pagkakataon bilang Pangulo sina Ferdinand Marcos Jr. at maybahay na si Liza Araneta-Marcos. Ang bagong destinasyon – Malaysia.
Ayon kay Foreign Affairs spokesperson Teresita Daza, isang paanyaya nina King Sultan Abdulla at Prime Minister Anwar Ibrahim ang nagtulak sa Pangulo para magtungo sa Malaysia para sa tatlong araw na state visit kung saan aniya nakatakdang talakayin ang mga mekanismong magbibigay-daan para sa mas malalim ng ugnayan ng dalawang bansa.
Unang haharapin ng Pangulo ang ika-16 na hari ng Malaysia bago makipagpulong kay Prime Minister Ibrahim para naman talakayin pa ang pagpapalalim ng relasyon ng dalawang bansa.
Kabilang sa mga inaasahang pag-uusapan ng dalawang lider ang agrikultura, turismo, food security, digital economy, people-to-people exchanges.
Bukod sa kanyang maybahay, kabilang sa mga makakasama ng Pangulo sa biyaheng Malaysia ang Kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA), economic team ni Marcos at mga negosyante para naman mapalakas pa ang bilateral trade at investment.
Ayon pa kay Daza, hindi rin maiwasan na maaaring idiga ng Pangulo sa mga negosyante ang Maharlika Investment Fund (MIF) na nilagdaan kamakailan.
Mula nang mahalal bilang Pangulo, nakapagtala na si Marcos ng 13 biyahe sa iba’t ibang panig ng mundo. Kabilang sa mga bansang binista ni Marcos ang Singapore, New York, Cambodia, Thailand, Belgium, Switzerland, Japan, Washington, London at Indonesia.