Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
TAHASANG binansagan ni Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Pimentel si retired Police Col. Royina Garma bilang kapural sa pagpatay ng tatlong suspected Chinese drug lords sa loob mismo ng Davao Prison and Penal Farm (DPPF) walong na ang nakalipas.
“Si Col. Garma ang nagsilbing director sa pamamaslang sa tatlong inmates na pawang Chinese nationals na miyembro ng malaking sindikato sa likod ng kalakalan ng droga noong 2016,” pahayag ni Pimentel.
Sa ginanap na pagdinig ng quad committee ng Kamara, inamin ni Garma – na nagsilbing chairman ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa ilalim ng administrasyong Duterte, na tatlong ulit niyang nakausap ang isang Jimmy Fortaleza para tiyakin maayos ang “operasyon” sa piitan na nasa gawing katimugan ng bansa.
“Inamin niya na siya mismo ang nagbigay ng mga direktiba. Tatlong beses silang nag-usap ni Jimmy Fortaleza para siguruhin na magiging maayos ang operasyon,” wika ni Pimentel sa pagtukoy sa noo’y Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) regional chief.
“Sinabihan ni Col. Garma si Col. (Gerardo) Padilla na noo’y tumatayong warden na huwag silang makialam sa operation na gagawin sa Davao Penal Colony.”
“Sinabihan niya si Jimmy Fortaleza – May mga tao na kami dyan… wag mong pabayaan yung tatlong bilanggo. Bigyan mo ng pagkain.”
Nasa apat na saksi, na naunang sumalang sa Quad Comm na inatasang mag-imbestiga sa extra-judicial killings at madugong giyera kontra droga ni former President Rodrigo Duterte ang nagturo kay Garma na siya umanong direktang nagbigay ng utos para patayin ang mga Chinese na sina Chu Kin Tung, alyas Tony Lim; Li Lan Yan, alyas Jackson Li; at Wong Meng Pin, alyas Wang Ming Ping.
Kabilang sa mga nagnguso kay Garma sina self-confessed hitmen Leopoldo “Tata” Tan Jr. at Fernando “Andy” Magdadaro na kapwa aminadong pumaslang sa tatlong Tsinong bilanggo.
Pinatotohanan din ni former DPPF warden Supt. Gerardo Padilla at dating pulis na si Fortaleza na kaklase ni Garma sa Philippine National Police Academy (PNPA) Class 1997.
Tahasan ding isiniwalat nina Tan, Magdadaro at Padilla na si Duterte ang nagbigay ng basbas para likidahin ang mga Chinese national sa loob ng DPPF.
Sa pamamagitan umano ni Fortaleza nakausap ni Garma sa cellphone si Padilla. Sa naturang pag-uusap, binantaan pa ng lady police colonel ang warden huwag makialam para hindi madamay ang pamilya ng ni Padilla.
Higit na kilala si Garma na malapit sa dating Pangulo.
Sa naturang pagdinig, iginisa rin ni Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrix” Luistro si Garma sa kanyang ginampanang papel sa kontrobersyal na oplan tokhang sa unang tatlong taon ng nakalipas na administrasyon.
“I wish to maintain my statement, Mr. Chair, na bago po ma-appoint ang isang opisyal ng PNP sa isang area of jurisdiction, sa general practice, we always consult the local chief executive,” ani Luistro.
“In other words, Mr. Chair, I wish to state that the reason why almost the entire career in PNP of Col. Garma was spent in Davao, the reason why she was appointed in Cebu City as city director and the reason why he was appointed as PCSO General Manager is because pinagkakatiwalaan po siya ng ating dating pangulo, former President Rodrigo Roa Duterte,” dugtong niya.
Inungkat naman ni Taguig City 2nd Dist. Rep. Amparo Maria “Pammy” Zamora ang marital problems ni Garma sa ex-husband Roland Vilela, na kasong panggagahasa sa isang 17-year-old commercial worker noong 2005.
Ayon kay Zamora, maynaglabasang balita hinggil sa paglapit ni Garma kay Duterte para hindi masibak sa Davao City Police ang kanyang asawa.
“Because countless articles, merong Rappler, iba’t iba pa nagsasabi dito na naging hingahan niyo ng sama ng loob nung panahon na yun si Mayor Duterte and thus earning his trust,” anang Taguig City lawmaker kay Garma.
Sa panig ni Antipolo City 2nd Dist. Rep. Romeo Acop, nagtataka siya kung bakit pinili ni Garman magpasa ng early retirement sampung taon bago pa man ang takdang edad para sa mandatory retirement.
“This representation, I think, would also believe that na ikaw ay nag-optional retirement because you knew for a fact that you can get the position in the PCSO,” giit ni Acop, na isang retired police general.
