
BILANG bahagi ng Tax Awareness Month, inilunsad ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Friendly Tax Compliance Verification Drive (TCVD) sa iba’t ibang panig ng bansa kung saan mahigit 24,000 business establishments ang binisita sa unang araw ng kampanya.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., magsasagawa ang kawanihan ng tax education campaign sa layuning turuan ang mga negosyante sa tax obligations. Target din ng TCVD ipaalam na walang ipapataw na multa ang naturang ahensya.
Sa pag-ikot ng BIR, napag-alaman na kadalasang problema ng ilang business establishments ay ang kawalan ng certificate of registration, hindi paggamit ng book of accounts at maling pag-iisyu ng resibo.
Garantiya ng BIR chief, handa ang mga opisyal at tauhan kawanihan maging katuwang at turuan ang mga negosyante sa tamang pagbabayad ng buwis at hind maging pabigat sa kanila.
“Education leads to compliance. Improved services lead to compliance. Our revenue officers from Luzon, Visayas, and Mindanao will be visiting businesses to explain the fundamentals of taxation to everyone,” wika ni Lumagui.
“The friendly TCVD reflects the BIR’s commitment to foster a culture of voluntary compliance through education and direct engagement with taxpayers,” giit pa ng opisyal.
Sinabi ni Lumagui na sa patuloy na education campaign at paggabay matutulungan ng BIR ang mga taxpayers upang madaling makasunod at mayroong buong pagtitiwala sa proseso.
Sa paglulunsad ng TCVD, tiniyak ni Lumagui na ang bawat hakbang ng ahensya ay alinsunod sa hangad ng administrasyong Marcos na mapabuti ang business environment ng bansa at paunlarin ang hanay ng micro, small and medium enterprises (MSME) para sa mas mataas na tax collection sa bisa ng voluntary compliance.
Sa pamamagitan ng pinalawak na enforcement measures, digital transformation initiatives, at improved taxpayer services, ang BIR ay nakapagtala ng ₱2.852 trillion revenue collections, mas mataas sa target na ₱2.848 trillion nitong 2024, katumbas ng 13% increase kumpara sa kabuuang koleksyon noong 2023.