SA kabila ng paghimok sa sambayanang Pilipino na labanan ang panghihimasok ng International Criminal Court (ICC) sa pagpapatupad ng hustisya sa bansa, nanawagan naman si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa mga tagasuporta ni former President Rodrigo Duterte na maging kalmado.
Pag-amin ni Dela Roa, siya man ay dismayado sa aniya’y kawalan ng hustisya ng kasalukuyang administrasyon. Katunayan aniya, ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. pa mismo umano ang lumabag sa karapatan ng mga mamamayan.
“We’re very much divided. Mabuti sana kung ang division ay 50-50! Ako hindi ako statistician pero alam ko ang division ay nasa 80-20. 80 tayo, 20 lang sila! Pero yung 20 na yan, sila ang may hawak ng poder ng gobyerno kaya tayong otsenta, kaya tayong majority, tahimik lang ang mga tao dahil nagtitimpi lang ang mga tao,” pahayag ng Mindanaoan lawmaker.
“Kawawa ang Pilipinas! Ganito na lang ba tayo?” saad pa ni Dela Rosa.
“Ako po’y nakikiusap sa inyo na kahit kayo’y galit na galit na, kahit kayo’y nanggigigil na ng husto diyan dahil sa injustice na ginagawa nila, ako pa rin ang nakikiusap sa inyo, I am appealing for your sobriety. Sana kalma lang tayo,” dugtong naman niya.
Una nang nanawagan si Dela Rosa sa mga kapanalig ng dating pangulo na huwag bigyan ng pagkakataon ang administrasyong Marcos magdeklara ng Martial Law.
“Kailangan tayong lahat ay kalma lamang pero solid, nagkaisa at gustong-gusto na ibalik si Pangulong Duterte dito! Bring him home!”
Nanindigan si Dela Rosa, na dati ring naging chief ng Philippine National Police (PNP) na iligal ang ginawang pag-aresto kay Duterte partikular sa kawalan ng hurisdiksyon ng ICC.
“Hindi ‘yan nanggagaling sa local natin. Hindi yan nire-recognize natin dahil hindi tayo under sa kanila. Kaya dapat magkaisa tayo,” ani Dela Rosa.
“Pagdating ng araw na lalabas yung warrant of arrest ko, huhulihin ako ng PNP, ito ang masasabi ko sa inyo, ito lang ang masasabi ko sa inyo, lahat ng ginagawa nila ay ilegal kasi yung warrant of arrest na kanilang sine-serve sa atin, hindi yan nanggagaling sa competent authority,” punto pa ng reelectionist senator.
