
“WE will raid your warehouses. We will destroy all illicit cigarettes and machines. We will file cases against you. You will be arrested…”
Ito ang matigas na pahayag ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui Jr. kung saan tiniyak niyang hindi titigil ang buong pwersa ng ahensya para tugusin at panagutin sa batas ang mga hindi nagbabayad ng tamang buwis sa gobyerno.
Ginawa ni Lumagui ang babala matapos na makakuha ng paborableng desisyon ang BIR mula sa Department of Justice (DOJ) kaugnay sa idinulog nitong ₱5.7 billion tax evasion case.
Ang naturang kaso ay bunsod na rin sa naunang raid na isinagawa ng BIR at ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) personnel sa mga warehouse sa Bulacan at Valenzuela noong November 6 at 7, 2024, na nagresulta sa pagkakakumpiska ng mga ilegal na sigarilyo at mga makina sa paggawa nito.
Nabatid na aabot sa 21,000 master cases ng illicit cigarettes, na may katumbas na ₱5,764,761,450.00 tax liabilities, ang narekober ng nabanggit na magkasanib na puwersa.
Sa naging desisyon ng DOJ, dalawang criminal charges ang naihain sa Court of Tax Appeals (CTA) nitong nakaraang Huwebes, Marso 13 at inaasahang maglalabas na rin ng warrant of arrest laban sa limang Chinese nationals na isinasangkot sa illegal cigarette operation.
Pagbibigay-diin ni Lumagui, ang pagsasampa ng kaso sa limang Chinese nationals ay bahagi ng kanilang pinalawak at pinaigting na kampanya laban sa mga nasa likod ng paggawa at pagbebenta ng ilegal na sigarilyo.
“The BIR’s latest victory is a testament to our commitment to pursue every criminal involved in illicit cigarette trade” and that it served as a warning to all those involved in the illicit cigarette trade,” dagdag pa ng BIR chief.
Matatandaan na noong nakaraang buwan ay nagsagawa ang BIR ng nationwide destruction operations ng mga illicit cigarettes kung saan sa loob lamang ng sampung araw ay 14.3 million packs ng ilegal na sigarilyo ang sinira.
Tinatayang nasa kabuuang halaga na P2.1 billion ng illicit cigarettes ang sistematikong winasak at ito ay mayroong katumbas na P6.4 billion tax liability.