Ni Estong Reyes
MALINAW na kumikilos ang kontrobersiyal na Socorro Bayanihan Services, Inc., (SBSI) bilang isang kulto at nagtatago ang tunay na lider sa likod ni Jey Rence Quillaro, kilalang Senior Agila.
Sa pagtatapos ng imbestigasyon ng Senado sa pangunguna ng Senate Committee on public order and dangerous drugs at Senate committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, nagkasundo ang mga mambabatas na malinaw ang indikasyon na pawang kulto ang organisasyon at figurehead lang ang lider nito na nakabase sa Surigao Del Norte.
“Klaro diyan nakikita natin the group started as a legitimate people’s organization…that slowly nag-transform into a cult. Per definition of a cult ‘yung blind obedience, strong reverence to a single personality ay nage-exist sa grupo na ‘yan,” ayon kay Dela Rosa.
Sinimulan ng Senado ang imbestigasyon nitong Huwebes sa sinasabing kulto na inaakusahan ng trafficking, kidnapping, sexually abusing children, training children as soldiers, at practicing child marriages. Inamin ng ilang biktima na dumalo sa pagdinig na pinipilit sila ni Senior Agila na nagsasabing siya ang “Diyos” na sumali sa aktibidad at sumunod sa kanyang ipinag-uutos upang makapasok sa Langit.
Ayon kay Dela Rosa, dating hepe ng pambansang pulisya na walang dahilan kung magsisinungaling ang mga batang biktima.
“You can just imagine, babae…12 years old ay walang rason ‘yan na magsabi ng, to the point na i-expose pa nila ‘yung…paninira ng kanilang uri, sa kanilang pagkababae, ‘yung about rape and about forced sex, forced marriages,” giit ng senador.
Sinabi ni Dela Rosa na kontrolado ang organisasyon ng mga taong nasa likod ni Quilario, ang sinasabing lider ng grupo.
“Ginagamit lang s’ya doon na simbolo, ginamit ‘yung kanyang pagpo-possess ng divine powers kuno to command adherence and loyalty from the subjects,” ayon kay Dela Rosa.
Katunayan, ayon pa kay Dela Rosa, nagmamakaawa ang lider na si Quilario, 22 anyos, dahil wala itong pinag-aralan.
Natuklasan ng Senado na kasalukuyang komokontrol kay Quilario si SBSI Vice President Mamerto Galanida pawang best orator na nakakakumbinsi sa miyembro na lahat ng nakikita nila ay puti , pero sa reyalidad ito ay pula.
Bukod kay Galanida kabilang sa lider ng SBSI sinab Janeth Ajoc, at Karren Sanico Jr., na nasa likod ng organisasyon na nagdidikta kay Quilario, ayon pa kay Dela Rosa.
Inihayag pa ni Dela Rosa na base sa testimonya ng saksi, may sariling private army ang SBSI na pawang may baril at maraming foxhole na nasa paligid ng headquarters nito sa bundok.
Ibinulgar pa ni Jeng Plaza, dating cook ni Quilario at dating miyembro ng army nito, iginugrupo ang batang may edad anim na taon at pitong taong gulang at sinasabi na lumahok sa kanilang sundalo sa barracks.
“The SBSI’s soldiers are being deployed around the community to guard the area,” ayon kay Dela Rosa.
Sinabi pa ni Dela Rosa na mananatili ang kautusan ng Senado na ikulong sina Qulario, Galanida, Ajoc, at Sanico. Makikipagtulungan naman ang Senado sa law enforcement agencies na tiyakin ang safe conduct ng susunod na pagdinig na gagawin sa Socorro.