
USAP-USAPAN sa Palasyo ang napipintong pagbaba sa pwesto ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio kaugnay ng nabistong sabwatan sa likod ng P100-milyong halaga ng smuggled na bigas na nabisto sa magkakahiwalay na operasyon sa mga Luzon at Mindanao.
Katunayan, dalawang linggo na rin hindi nagpapakita sa kanyang tanggapan si Rubio bunsod ng inilabas na direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipamahagi sa mga maralitang pamilya ang mga nasamsam na smuggled rice.
“Kailangan sapat ang pagkain para sa ating mga kababayan. Kasama dyan ay pinapatibay natin ang sistema ng agrikultura. Ngunit hindi lamang, yun ang nagiging problema sa agrikultura dito sa Pilipinas, ang isang napakalaking problema ay ang pag-smuggle ng bigas papasok ng Pilipinas,” galit na pahayag ni Marcos matapos pangunahan ang pamamahagi ng nasa P42-milyong halaga ng smuggled na bigas na nasamsam sa isang operasyon sa Zamboanga City kamakailan.
“Hindi lamang pag-ayos ng agricultural sector ang ating kailangan gawin. Kailangan din natin pagtibayin ang ating pag-impose ng mga batas tungkol nga sa pagbibigay ng suplay ng bigas sa atin, sa buong Pilipinas. Hindi tama na nagpapasok sila, iniipit nila ang suplay, pinapataas nila ang presyo, naghihirap ang tao para lang kumita sila ng malaki,” litanya pa ng punong ehekutibo.
Sa kanyang mga binitawang salita, hindi maikukubli ang pagkadismaya ng Pangulo sa kabi-kabilang bulilyaso sa kabila pa ng kanyang isinusulong na programang naglalayong tiyakin ang sapat at abot-kayang pagkain para sa sambayanang Pilipino.
Hindi ako tagahanga ni Marcos Jr. Ang totoo, hindi sa kanya napunta ang aking boto – kasi nga hindi ako kumbinsidong magiging epektibong lider ng bansa ang anak ng yumaong diktador.
Sa kanyang mapangahas na desisyon ipamigay sa mga maralitang Pilipino ang nakumpiskang bigas bago pa man ito gawing kwarta ng mga tiwali sa BOC, tila nagkakaroon ng linaw ang tinatahak na direksyon ng administrasyong Marcos Jr.
Bigla kong naalala ang dating hepe ng Customs and Intelligence Division na walang takot na bumangga sa mga pader at padrino sa kawanihan. Ang resulta – agad siyang inalis sa pwesto. Ang mga tulad niya ang dapat bigyan ng pagkakataon mamuno sa ahensyang higit na kilala sa kontrobersiya at santambak na bulilyaso.
Siya si Fernandino Tuazon. Ang tanong, nasaan na nga kaya siya ngayon?