
WALANG napiga ang senado sa Bureau of Immigration (BI) hinggil sa pagpapalipat-lipat ng bansa ni former Presidential Spokesperson Harry Roque.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado, inamin ni BI Intelligence Division chief Fortunato Manahan na wala nang iba pang impormasyon ang kawanihan.
Gayunpaman, ibinahagi ni Manahan na nagtungo umano sa bansang Japan ang dating tagapagsalita ng Palasyo. Mula aniya sa Japan, tinangka pa umano ni Roque lumipad patungo sa Estados Unidos – pero nabigo matapos harangin sa Japan Airport.
“Meron po kaming alam na pumunta rin siya ng Japan and di po siya nakaalis, supposedly bound for US pero denied check-in,” wika ni Manahan matapos tanungin ni Senador Risa Hontiveros hinggil sa kinaroroonan ni Roque.
“So, wala rin naman hong holdings ang Japan police or Japan immigration then after that wala pa rin po kaming information,” dagdag pa niya.
Una nang isiniwalat ni Hontiveros na nasa Shanghai, China na si Roque na una nang napabalitang nasa Dubai noong Disyembre ng nakalipas na taon. Mula aniya sa Shanghai, pumunta sa Macau ang puganteng higit na kilalang malapit kay former President Rodrigo Duterte.
Pinaniniwalaang sangkot si Roque sa operasyon ng mga sinalakay na illegal POGO hubs sa Tarlac at Pampanga. Nakaabang rin ang mandamiento de arrestong inilabas ng Kamara matapos isnabin ang mga paanyaya sa mga pagdinig ng quad committee ng mababang kapulungan ng Kongreso. (ESTONG REYES)