IBINIDA ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pagbaba sa bilang ng mga Pilipinong walang pinagkakakitaan trabaho noong buwan ng Abril ng kasalukuyang taon.
Ayon sa PSA, bahagyang bumaba ang ‘unemployed’ na nasa 2.41 milyon, kumpara sa 2.58 milyong ‘tambay’ na naitala noong buwan ng Marso 2026.
Kasabay ng pagsadsad sa bilang ng mga tambay, bumaba din umano ang unemployment rate sa 4.7% — ang unang pagkakataon ngayong taon na mas mababa sa 5%.
Gayunpaman, higit na mataas pa rin ang naturang bilang kumpara sa 2.06 milyong Pinoy na walang trabaho noong Abril ng nakaraang taon.
Paglilinaw ng PSA, tumaas ang bilang ng mga underemployed o mga manggagawang naghahanap ng dagdag na oras o pagkakakitaan.
Naitala na mula 6.03 milyon noong Marso ay naging 7.41 milyon noong Abril, katumbas ng 15.2% ng labor force, ang pinakamataas mula Marso 2022.
Samantala, bahagyang bumaba ang bilang ng mga may trabaho sa 48.89 milyon mula 49.07 milyon, habang umangat naman ang employment rate sa 95.3%.
Bumaba rin ang labor force participation rate sa 62.7%, katumbas ng 51.3 milyong Pilipino na kabilang sa labor force.
