Ni ESTONG REYES
FAKE news. Ganito inilarawan ni Senador Joel Villanueva kaugnay kumakalat na video hinggil sa salitang “bingo” na binanggit sa naganap na pagdinig ng Senado hinggil sa operasyon ng illegal Philippine Offshore Gaming Organization (POGO) na pinatatakbo ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo.
Ayon kay Villanueva, walang kinalaman sa sinumang mambabatas ang namutawing reaksyon matapos isiwalat ni Shiela Guo ang pangalan ng dalawang taong tumulong di umano sa kanilang pagtakas.
Paglilinaw ni Villanueva, napabubulas lang siya nang mabasa sa isang pirasong papel ang mga pangalan “Kat” at “Gee” na isinulat ng kapatid ng kontrbersyal na former Bamban mayor.
Ani Shiela Guo, mga sekretarya ni Alice Guo sa Bamban sina Kat at Gee.
“Noong isinulat po niya iyon, talagang bingo exactly the same names that we are hearing na ipinatawag na po ngayon ng committee — si Ms. Kat at si Ms Gee. Kung inaakala nila na malulusutan nila ang Senado at kung inaakala nila na beto-beto lang ito sa perya, nagkakamali po sila,” paliwanag ni Villanueva.
“Nagkatugma ang pangalan na “Kat” at Gee” sa nabanggit na personalidad sa executive session, na siyang isinulat ni Shiela Guo sa papel na inaabot sa akin,” aniya pa.
Bunsod ng impormasyong ibinahagi ni Shiela Guo, nagpasya ang Senado ipatawag sina Kat Salazar at Gee Pepito sa paniwalang mas marami pang lihim na maibubunyag ang mga nasabing tao.
Sa naturang pagdinig, nasambit ni Villanueva ang salitang “bingo” nang mabasa ang papel na ibig sabihin ay sumakto ang pangalan na nasa kanilang kaalamanan na tumulong sa grupo ni Alice Guo na tumakas palabas ng bansa.
Bunsod ng salitang “bingo,” kumalat sa social media ang ilang haka-haka, espekulasyon at fake news na inuugyan ang sinambit na kataga ni Villanueva sa ilang inosenteng indibiduwal.
