TALIWAS sa ipinukol na alegasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang resulta ng pagsusuring pinangasiwaan mismo ng Commission on Audit (COA) ang patunay na walang irregularidad sa paggamit ng pondo ang Kamara de Representantes.
Para kay House Majority Leader at Zamboanga City 2nd District Rep. Manuel Jose “Mannix” Dalipe, sablay ang patutsada ng dating Pangulo.
Katunayan aniya, naglabas ang COA ng isang sertipikasyon (na may petsang Oktubre 2, 2023) kung saan lumalabas na walang notice of suspension at disallowance ang Kamara – bukod pa sa walang bulilyaso sa alinman sa pinagkakagastusan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Dagdag pa ng kongresista, nag-iwan din ng tumataginting na P4.69 bilyong budget surplus ang 18th Congress para sa nakalipas na taon, base sa COA report na isinapubliko noong ika-6 ng Hulyo 2023.
“Lahat ng kailangan na i-submit ng House of Representatives, lahat ng kung anong kailangan i-liquidate, ginagawa po ‘yan, nirereport ng House of Representatives sa Commission on Audit,” giit ni Dalipe.
“In fact, meron pong statement, kumuha ako mismo ng kopya ‘nung statement ng Commission on Audit wala pong notice of disallowance, wala pong notice of charge, wala pong notice of suspension ang ating House of Representatives. Ibig sabihin po clear po, walang problema ang House of Representatives tungkol sa anumang pondo na binibigay sa Kongreso para i-utilize at i-liquidate,” dagdag pa niya.
Kamakailan lang, nagpakawala ng maanghang na patutsada ang dating Pangulo kaugnay ng di umano’y paggamit ng pondong hindi dumadaan sa pagsusuri ng COA.