WALANG plano ang administrasyon na ibasura ang isinusulong na Maharlika Investment Fund (MIF) matapos suspendihin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naturang programa kamakailan.
Paglilinaw mismo ng Pangulo sa kanyang talumpati bago tumulak patungo sa Saudi Arabia, isinatabi lang muna ang pag-arangkada ng Maharlika sa hangarin ng pamahalaan na maglatag ng mga dagdag-mekanismo bilang seguridad.
Partikular na tinukoy ni Marcos ang pagsasaayos ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng MIF, na target diumano simulan bago pagsapit ng Disyembre ng kasalukuyang taon.
“So we should not misinterpret what we have done as somehow as a judgment of the rightness or wrongness of the Maharlika fund. On the contrary, we are just finding ways to make it as close to perfect and ideal as possible, and that is what we have done,” pahayag ni Marcos.
Patuloy rin aniya ang pakikipag-ugnayan at konsultasyon sa mga economic managers at iba pang personalidad na may kinalaman sa MIF.
Nauna nang naglabas ng memorandum ang Office of the Executive Secretary sa Department of Finance, Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines na suspendihin na muna ang implementasyon ng MIF dahil pinatitiyak ni Pangulong Marcos na may sapat na mga safeguards ito.
Nasa P50 bilyon ang inilagak na puhunan ng LBP, habang P25 bilyon naman ang ambag ng DBP.