ASAHAN ang mas mahigpit na pagsusuri sa lahat ng paliparan para sa mga biyaherong mula sa ibang bansa sa hangaring kontrolin ang pagdami ng bilang ng mga positibo sa bagong COVID FLiRT variant.
Ayon ang Bureau of Quarantine (BOQ), saklaw ng bagong polisiya ang lahat ng point of entry sa Pilipinas.
“All stations have been directed to conduct thorough screening at Points of Entry for arriving visitors originating from countries where COVID FLiRT incidents have been detected,” ayon sa memorandum ng BOQ sa mga nangangasiwa ng pantalan at paliparan.
Payo ng BOQ sa mga biyahero, sagutan ng buong katapatan ang mga impormasyon sa e-travel app kung saan kabilang sa mga tanong ang dinaranas na sintomas kasabay ng hiling na kusang mag-isolate sa loob ng tahanan para makasiguro.
“The general public should also take basic health measures such as frequent hand washing, coughing etiquette, avoiding crowded situations and getting in contact with people with flu-like symptoms,” paalala ng ahensya.
Sa kabila ng paghihigpit, wala naman di umanong dahilan para maalarma ang publiko
“Hindi ito dapat dahilan para maalarma. Tayo po ay magmamatyag para sa pagpasok kung maroon man ng dating KP.2 at KP.3 COVID variants. Mild po sila, hindi ho problema iyan at kayang-kaya ng ating sistema,” pahayag ni DOH Assistant Secretary Alber Domingo.
Patuloy na tinututukan ng World Health Organization (WHO) ang mga bagong variant na tinawag na KP.2 at KP.3.
Samantala, nakapagtala ng 11 bagong kaso ng COVID-19 sa Baguio City.
Hirit ng lokal na pamahalaan sa DOH, magpadala ng suplay sa mga local health centers ng bakuna laban sa COVID-19.
“With no more available COVID vaccines, this city hopes that the health department will prioritize the procurement of vaccines to cater to children below five-years-old during the pandemic who were not vaccinated as they were out of the target population,” pahayag ni Baguio City Epidemiology and Surveillance Unit officer Dr. Donnabel Panes.
Sa mga bagong kaso, isa aniya ang pasok sa kategorya ng severe symptom – “Most of our Covid cases have mild symptoms but one is severe.”
