HIHILINGIN ng Department of Justice sa local court na kasuhan ng contempt ang mga blogger na nag-interview sa pugante at dating Bureau of Corrections head Gerald Bantag.
Si Bantag ay mayroong arrest warrant sa pagpaslang kay broadcaster Percival “Percy Lapid” Mabasa.
“We will file a manifestation to cite in contempt the bloggers who interviewed Gerard Bantag, knowing fully well that a warrant of arrest has been issued against him and he is a fugitive of the law,” sabi ni Justice Secretary Crispin Remulla.
Sinabi ni Remulla na ang pagsasampa ng contempt sa mga bloggers ay magpapatuloy hanggat hindi nila tinatanggal ang interview sa kanilang website.
Hindi umano ito isyu ng press freedom, sabi pa ni Remulla.
Ang hakbang ay bago ang death anniversary ni Mabasa na napatay noong Gabi ng Oktubre 3, 2022 habang pauwi sa kanilang bahay.
Si Bantag at iba pa ay kinasuhan ng murder sa pagpaslang kay Lapid. Nagtatago na si Bantag matapos maglabas ng arrest warrant laban sa kanya ang Las Piñas court.
Sinabi ni Remulla na personal na alitan ang motibo sa pagpaslang sa biktima, isang hard-hitting broadcaster at kritikal sa mga opisyal ng gobyerno.