NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA gitna ng napipintong pagsasampa ng kasong kriminal laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng pagbabanta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., tiniyak ng House blue ribbon committee na magpapatuloy ang pagdinig ng Kamara sa usapin ng paglustay ng daang-milyong confidential funds na inilaan ng Kongreso sa Office of the Vice President (OVP).
Ayon kay House Assistant Majority Leader at Ako Bicol Partylist Rep. Raul Angelo Bongalon, nagsimula na ang proseso ng legal na aksyon laban kay Duterte sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI).
“The DOJ through the NBI has started its investigation and a subpoena will be issued for the Vice President to answer and to face this criminal charge,” ayon kay Bongalon.
“Due process will be observed in such a way that the Vice President will be given the opportunity to answer with regard to this threat against the President, the First Lady, including the House Speaker,” dagdag pa niya.
Sa pahayag ni former President Rodrigo Duterte na humihikayat sa administrasyong Marcos na sampahan na lang ng kaso ang anak na si VP Sara, sinabi ni Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega na ang naturang pahayag ay tila pangmamaliit sa bigat ng paratang.
“Opinyon naman niya yun eh. Ginagawa po ng Kongreso ngayon, hinahalungkat po natin yung mga nandito sa ating mga hearing, saka sa Quad Comm,” ayon kay Ortega, na tinukoy ang irregularidad sa paggastos ng P612.5 milyon confidential funds ng OVP at DepEd.
Iginiit ni Ortega na siniseryoso ng Kamara ang mga banta ng bise presidente at sa umano’y maling paggamit ng pondo ng bayan, kasabay ng pagsuporta sa naunang pahayag ni Pangulong Marcos na kumondena sa mga nasabing banta.
Sinabi naman ni 1RIDER Partylist Rep. Rodge Gutierrez na hindi dapat matabunan ng mga pahayag ng dating Pangulo ang bigat ng alegasyon laban sa kanyang anak na si VP Sara.
“We stand by the rule of law and we stand by the statement of the President and the Speaker,” saad ni Gutierrez, kasabay ng hirit na ipaubaya ang usapin sa DOJ.
Nanindigan rin ang mga mambabatas sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Kamara sa umano’y maling paggamit ng confidential funds ng pangalawang pangulo.
Ipinunto ni Bongalon ang kahalagahan ng pagtugon sa parehong legal at congressional investigation – “This will undergo a regular process.”
Kinondena ni Gutierrez ang anumang pagtatangka na maliitin ang mga paratang sa pamamagitan ng sobrang paglalarawan o pampulitikang komentaryo.
Habang nagpapatuloy ang mga imbestigasyon, muling pinagtibay ng Young Guns ang posisyon — panagutin ang mga public officials sa sangkot sa maanomalyang paglustay ng pondo ng gobyerno.
“Ang mahalaga po dito ay ang pagsunod sa batas at pagtiyak na ang pera ng bayan ay ginagamit ng tama,” giit pa ni Bongalon.
