Ni Jam Navales
NANINIWALA si AGRI partylist Rep. Wilbert T. Lee na malaking bentahe sa isinusulong na sapat at abot-kayang pagkain para sa lahat ang ang pagkakaroon ng isang national framework para sa water resource management.
“Natutuwa po tayo na we are one step closer to our goal of having a dedicated department that would promote universal access to safe, adequate, affordable, and sustainable water,” ang naging reaksyon pa ni Lee sa pagkaka-apruba sa Kamara ng House Bill No. 9663, o ang National Water Resources Act na naglalayong itatag ang Department of Water Resources (DWR) kung saan isa siya sa principal authors.
“Nagpapasalamat tayo sa mga kasamahan natin sa Kamara para sa agarang pagpasa ng panukalang batas na ito. Winner Tayo Lahat pag natutukan at naayos ang supply ng tubig sa ating bansa,” dagdag pa niya.
Binigyan-diin ng Bicolano lawmaker ang kahalagahang na magkaroon ng epektibo at patuloy na water resources management program partikular para matugunan ang mabigat na epekto ng climate change at matiyak ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng tubig na susi sa magandang agricultural productions.
“Isa po ang panukalang batas na ito sa isinusulong natin na long-term solution para tugunan ang nakababahalang epekto ng El Niño. Kailangan ng tubig ng mga pananim at alagang hayop upang maging masigla at lumaki nang maayos kaya po ang kaayusan ng sektor ng agrikultura ay nakasalalay sa sapat na supply ng tubig,” giit pa ni Lee.
“Bukod dito, syempre kailangan din po natin ng tubig upang makapaglinis at makapagluto ng pagkain.” Pagtatapos ng AGRI partylist solon.