Ni ESTONG REYES
KUMBINSIDO si Senador Risa Hontiveros na may protektor sa gobyerno ang tinaguriang Big Boss sa likod ng illegal POGO.
Sa isang pahayag, binigyang halaga ni Hontiveros ang pagkatimbog ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) kay Lin Xuhan alyas Lyu Dong. Gayunpaman, higit na mahalaga aniyang matukoy ang mga tumulong sa sindikato magtayo ng illegal POGO hubs sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Sa dami ng mga in-operate na POGO hub ni Lyu Dong, hindi niya ito pwede nagawa ng walang kumanlong na kawani ng gobyerno. I hope that we can also identify the Filipino associates of Lyu Dong,” ani Hontiveros.
Naniniwala rin ang senador na meron pang mas nakakataas sa arestadong Tsino.
“There are bigger bosses out there. Dapat natin silang mahuli, at dapat silang managot sa kanilang mga krimen laban sa napakaraming inosenteng tao,” dugtong pa niya.
Maging si Senador Joel Villanueva, kumbinsidong hindi pa tapos ang trabaho ng PAOCC.
“However, the job is not yet done. Given the extent of the workload that the PAOCC has been doing over the past few months, which involves POGO raids, there is a need to increase their budget and manpower,” ani Villanueva sa isang bukod na pahayag.
“Hindi pa po tayo titigil hangga’t hindi po natin tuluyang napapalayas ang mga POGO sa bansa,” aniya pa.
Samantala, sinampahan na rin ng kaso sa piskalya si Lyu Dong, kasama ang 12 iba pang Chinese nationals na nagpapatakbo ng kani-kanilang scam farms sa Central Luzon, Calabarzon at National Capital Region.
Bukod sa paglabag sa umiiral na Immigration laws, kabilang sa mga asuntong inihain ng PAOCC ang money laundering at qualified human trafficking.
