INACCURATE, misleading. Ganito ang paglalarawan ni House Speaker Faustino Dy III sa umano’y naganap na budget insertion habang nakasalang sa bicameral conference committee (Bicam) ang hirit na alokasyon para sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Nais ko lang pong itama ang mga kumakalat na espekulasyon: Wala pong nangyayaring ‘insertion’ o palihim na pagdaragdag ng pondo o probisyon sa bicameral conference committee,” pahayag ni Dy.
“Lahat po ng nilalaman ng ating panukalang batas—kasama na ang mga pondo, probisyon, at programa—ay dumaan sa tamang proseso. Iyan ay inaprubahan ng buong House of Representatives sa ikatlong pagbasa, at bago pa man magsimula ang Bicam, naipasa na ito,” giit ng lider ng Kamara.
Ani Speaker Dy, limitado ang papel ng Bicam sa proseso ng pag-apruba sa panukalang pambansang badyet, partikular ang plantsahin ang anumang hindi magkatugmang probisyon sa bersyon ng Senado at Kamara.
“Ang tungkulin ng Bicam ay pag-isahin ang bersyon ng Senado at Kamara—hindi para magpasok ng bago o ilusot ang hindi napagkasunduan. Kaya mali po at hindi makatotohanan ang sinasabing may ‘insertions’ sa BICAM,” paliwanag ng Isabela province lawmaker.
Aniya, walang anumang iregularidad at pagtatago sa panig ng mga Kapulungan ng mga Kinatawan sa pagpasa ng 2026 General Appropriations Bill (GAB) sa pamamagitan ng pagtitiyak na ang kanilang proseso ay bukas sa publiko at alinsunod na rin sa itinakda ng batas.
“Ang katotohanan: Walang iligal, walang palihim, at walang panlilinlang na nangyayari sa ating panig,” aniya pa.
Samantala, tiniyak ni Speaker Dy na mananatiling transparent at mahusay ang paiiraling proseso ng Kamara lalo na ang pagsisigurong ang pambansang badget na maipapasa ay makakatulong sa pangangailangan at interes ng buwang sambayanang Pilipino, at hindi para pansariling interes ng sinuman.
“Bilang Speaker ng Kamara, ako po ay naninindigan sa malinis, maayos, at tapat na proseso ng paggawa ng budget. Ginagawa po natin ito hindi para sa pansariling interes kundi para sa ikabubuti ng bawat Pilipino.” (ROMER R. BUTUYAN)
