WASTONG edukasyon ang kailangan ng mga kabataan para tiyakin ang kanilang magandang kinabukasan — pero paano na kung ang mismong guro madalas lumiliban dahil sa karamdaman?
Bilang tugon, isang panukalang batas ang isinusulong sa Kamara para bigyan ng HMO coverage ang hanay ng mga public school teachers.
Sa ilalim ng House Bill 6512 (TeachCare bill), binigyang diin ng mag-asawang Abra Lone District Rep. JB Bernos at Solid North partylist Rep. Ching Bernos, ang kahalagahan itaguyod ang kapakanan ng mga public school teachers na pumapasan ng mabigat na responsibilidad bigyan ng sapat na kaalaman at mabuting edukasyon ang mga kabataang Pilipino.
Mungkahi ng mag-asawang Bernos, bigyan ng medical at dental HMO coverage — bilang employment benefit – ang mga titser na nakapagturo ng hindi bababa sa anim na buwan sa alinman sa mga pampublikong paaralan.
“Considering the demands required of them in the conduct of their duties, it is only right that we provide support to teachers through HMO coverage so they could look after their health without fear that doing so would further deplete their already meager salaries,” giit ng Abra province solon.
Dugtong ni Rep. JB Bernos, ang panukalang batas nilang ito ay tugon na rin sa ulat ng Department of Education (DepEd) at Alliance of Concerned Teachers (ACT) na nagsasabing malaking halaga ang ginagastos ng mga pampublikong guro sa kanilang medical at dental expenses.
Sa panig naman ni Rep. Ching Bernos, sa ilalim aniya ng HB 6512, magiging bahagi ng regular na programa ng pamahalaan ang pagbibigay ng HMO coverage — bukod pa sa P7,000 annual medical allowance na kalakip ng Executive Order No. 64 (series of 2024) na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa lahat ng government civilian personnel kabilang ang public school teachers.
“If there is one sector deserving of added support through HMO coverage, it is that of our educators who put in long hours doing teaching and administrative duties, and go home to do more of the same,” ayon sa Solid North PL lawmaker
“At risk po ang ating mga guro dahil sa kanilang trabaho, pero marami sa kanila ang pinipiling tiisin ang kanilang karamdaman dahil maaari nilang ikabaon sa utang ang dagdag na gastusin para sa kanilang kalusugan.”
