HINDI lang isa kundi dalawang mayor ang di umano’y tinumba ng junior police officer na unang kinanta ni former Philippine Charity Sweepstakes Office general manager Royina Garma.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng quad committee ng Kamara sa madugong giyera kontra droga sa ilalim ng nakalipas na administrasyon, idinawit si Police Captain Kenneth Albotra sa pagpaslang kay Los Baños Mayor Caesar Perez.
Ayon kay former Los Baños Councilor Norvin Tamisin, hagip ng CCTV sa munisipyo ng Los Baños ang pagmamanman ni Albotra ilang araw bago pinatay si Mayor Perez. Malaki rin aniya ang pagkakahawig ni Albotra sa cartographic sketch ng salarin.
“Nung sinabi po ni Madam Colonel Garma na ang bumira daw po o kumatay, pumatay kay Mayor Halili ay team ni Albotra, nagsaliksik po ako ng videos. Nakita ko ang hitsura, pangangatawan, kilos, pagkakahawig sa video na kumakalat sa Los Baños, pero hindi inilabas ng pulis sa korte. Pareho ng relo nung gunman sa video, pareho ng build, pareho ng balikat, gupit, binti, 5.66 mm ang ginamit, sniper rin po,” kwento ni Tamisin sa pagdinig.
Suspetsa ng dating konsehal, sadyang tinago ng pulisya ang CCTV footages kung saan nahagip ang iba pang suspek na pinaniniwalaang kasamahan ni Albotra. Pati aniya ang sasakyang ginamit ng mga suspek nakita sa kuha ng CCTV.
Kwento ni Tamisin, siya ang idiniin sa pagpatay kay Mayor Perez.
“Nagulat na lang po ako naglabasan sa news na ako pala po ay nahabla. Samantalang wala naman po akong kaalam-alam roon. Sa nasabing habla, sinasabi nila na nakita daw po ako within the vicinity sa tapat ng 7-11. Wala naman po ako doon,” aniya pa.
Pitong buwan nakulong si Tamisin bago pagbigyan ng korte ang motion to post bail bunsod na rin umano ng mahinang ebidensya laban sa kanya.
“Ang masakit po nito, may nagturo na isang bogus witness na nakita daw niya ako. Kaya nung ma-file yung case, sa kanilang reklamo ay merong video pero hindi po nila isinumite. Your Honor, I thought the PNP is supposed to protect and serve the people. Some of them just keep on implicating innocent people just for them to prove that they have done something or to please their officers,” emosyonal na pahayag ni Tamisin.
Tulad ng pamamaslang kay Tanauan City Mayor Antonio Halili ang istilong ginamit sa Los Baños mayor. Binaril at napatay ng isang pinaniniwalaang sniper si Perez noong gabi ng December 2020 sa bakuran ng munisipyo.
Todo tanggi si Albotra sa testimonya nina Garma at Tamisin.
“Hindi po ako yan, Mr. Chair,” sabi ni Albotra nang tanungin tungkol sa videos at cartographic sketch.
Itinanggi rin ni Albotra na may sinabi siya kay Garma na pag-amin na may alam siya sa pagpatay kay Halili — “Mr. Chair, wala po talaga akong maalala na nagsabi ako ng ganyan kay Ma’am,” saad niya.
Gayunpaman, nanindigan sa Garma sa kanyang sinumpaang testimonya. Dito na nagpasya ang quad comm na i-cite in contempt si Albotra na kasalukuyang nakapiit sa detention center sa loob ng Batasan Complex.
