
NI ESTONG REYES
KASADO na ang isasagawang imbestigasyon ng senado kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon. Ang unang resource person — walang iba kundi si former President Rodrigo Duterte.
Ito ang kinumpirma ni Senador Ronald dela Rosa, kasabay ng pagtiyak na sisipot ang dating Pangulo pagsapit ng takdang petsa ng pagdinig na pangangasiwaan ng Senate Blue Ribbon Committee sa Oktubre 28.
“The former President told me that he is going to attend the Senate hearing regardless of who is presiding,” ani dela Dela Rosa na kabilang sa mga personalidad na nadawit sa pagdinig ng quad comm na nag-iimbestiga sa kalakalan ng droga at extrajudicial killings na naganap sa termino ng dating Pangulo.
Si dela Rosa ang nagsilbing hepe ng Philippine National Police sa unang dalawang taon ng panunungkulan sa Palasyo ni Duterte.
Una rito, inihayag ni Senate Minority Leader Aquilino ‘Koko’ Pimentel III na sa Oktubre 28 sisimulan ng Senate Blue Ribbon subcommittee ang imbestigasyon sa nasabing isyu.
Maliban kay Duterte, imbitado rin sina retired police Col. Royina Garma na kanyang itinalaga bilang general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), dating National Police Commission (Napolcom) commissioner Edilberto Leonardo, former Sen. Leila de Lima, self-confessed drug lord Kerwin Espinosa at mga naulilang pamilya ng mga biktima ng giyera kontra droga.