DAPAT nang wakasan ng China ang pambabarako sa West Philippine Sea, ayon sa US State Department kaugnay ng tatlong magkakasunod na insidente ng pagbangga ng Chinese Coast Guard sa mga sasakyang dagat ng Pilipinas loob ng 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone.
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ng US State Department ang tatlong beses na pagbangga ng Chinese Coast Guard sa nakaangklang BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal na bahagi ng West Philippine Sea.
Para sa US State Department, malinaw na ‘dangerous and escalatory’ ang ginawa ng Chinese Coast Guard sa BRP Teresa Magbanua.
“The PRC’s unlawful claims of ‘territorial sovereignty’ over ocean areas where no land territory exists, and its increasingly aggressive actions to enforce them, threaten the freedoms of navigation and overflight of all nations,” saad sa isang bahagi ng pahayag ng US State Dept.
Panawagan ng Estados Unidos sa China, sundin ang international law at tigilan ang mga “dangerous and destabilizing conduct” sa West Philippine Sea, kasabay ng paalala sa China sa umiiral na Mutual Defense Treaty (MDT) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Sa ilalim ng naturang kasunduan, anumang pag-atake sa Philippine assets, kahit na sa coast guard, ay isang pag-atake na rin sa US.
“The United States reaffirms that Article IV of the 1951 United States-Philippines Mutual Defense Treaty extends to armed attacks on Philippine armed forces, public vessels, or aircraft – including those of its Coast Guard – anywhere in the South China Sea,” diin ng US State Department.
Sa ulat ng Philippine Coast Guard. Nagtamo ng pinsala ang BRP Teresa Magbanua bunsod ng makailang ulit na pabangga ng Chinese Coast Guard.
Commodore Jay Tarriela, nagkaroon ng pinsala ang BRP Teresa Magbanua dahil sa paulit ulit na pagbangga ng barko ng China.
“These are the damages sustained by BRP Teresa Magbanua due to the unprovoked ramming by China Coast Guard 5205,” saad ni Commodore Jay Tarriela na tumatayong tagapagsalita ng Philippine Coast Guard for the West Philippine Sea.
Sa tala ng pamahalaan, pitong insiddente na ng pagbangga ng Chinese Coast Guard sa barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea ang naitala ng Philippine Coast Guard.
