SA kabila ng panibagong tangkang isabotahe ang resupply mission, nagawang lusutan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga dambuhalang barko ng Chinese Coast Guard na nakaabang sa West Philippine Sea.
Katunayan pa, ayon sa AFP, tagumpay na nadala sa BRP Sierra Madre ang mga pagkain, gamot at iba pang pangangailangan ng mga sundalong nakahimpil sa BRP Sierra Madre na nasa Ayungin Shoal.
“The routine follow-on Rotation and Resupply mission to the BRP Sierra Madre was successfully conducted today,” saad sa isang kalatas mula sa National Task Force for the West Philippine Sea.
Bago pa man ang kumpirmasyon sa tagumpay na misyon, namataan ng Estados Unidos sa tulong ng automatic identification system (AIS) ang anila’y “close encounter” sa pagitan ng sasakyang-dagat ng Philippine Coast Guard (PCG) at mga dambuhalang barko ng China Coast Guard (CCG) sa gitna ng makapigil hiningang resupply mission na makailang ulit nang hinarang ng mga Tsino sa karagatang pasok sa 2q00-nautical mile Philippine exclusive economic zone.
Partikular na tinukoy ng Estados Unidos ang insidente kung saan nasipat ang apat ng CCG vessels na nakaabang sa pagdating ng BRP Sindangan at BRP Cabra sa bunganganga ng Ayungin Shoal.