
TALIWAS sa pangako ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hindi kayang ibalik sa P20 kada kilo ang presyo ng bigas sa bansa, ayon mismo sa Department of Agriculture (DA).
Paliwanag ni Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian, galaw ng merkado ang basehan sa presyuhan sa bigas, kesehodang maabot pa ng kagawaran ang target na 95% rice sufficiency sa pagtatapos ng termino ni Marcos Jr. sa taong 2028.
Gayunpaman, naniniwala si Sebastian na pagsisikapan ng pamahalaan ibaba ang post-harvest cost at production cost – pero malabong mangyari ang P20 ang presyo ng kada kilo ng bigas.
Hindi man aniya posible pang maisakatuparan ang pangako ni Marcos, kakayanin naman di umano mag-stabilize sa P45 hanggang P46 per kilo ang bigas pagsapit ng anihan.
Pag-amin ni Sebastian, may kamahalan na rin maging ang presyo ng bigas na inaangkat ng Pilipinas sa ibang bansa.
Sa pagdinig ng Kamara sa panukalang P167.5 bilyong pondo ng kagawaran, piniga ng mga kongresista ang mga DA officials sa mga mekanismong inilatag ng departamento para makamit ang inaabangang katuparan ng P20 kada kilong bentahan ng bigas sa merkado.
Sagot ni Sebastian, hindi tinutulugan ng ahensya ang pagpapababa ng presyo ng bigas sa mga pamilihang bayan – pero hindi sa P20 per kilo tulad ng pangako ng Pangulo.