
MATAPOS ang isang taon sa pwesto, binawian ng buhay sa edad na 61 ang kauna-unahang Kalihim ng Department of Migrant Workers (DMW).
Sa kalatas ng ahensya, dakong ala 1:00 ng hapon nang pumanaw si Migrant Workers Sec. Susan ‘Toots’ Ople. Maliban sa kumpirmasyon ng pagkamatay ni Ople, hindi na ibinahagi ng departamento ang dahilan ng pagpanaw ng opisyal na dati nang napabalitang nakikipagbuno sa sakit na kanser.
“We ask for prayers for the eternal repose of the soul of our dear Sec. Toots,” ayon sa kagawaran.
Bukod sa apelyidong namana sa amang dating senador Blas F. Ople, higit na kilala si ang DMW Secretary bilang tagapagtaguyod ng karapatan ng mga overseas Filipino workers (OFW) – bago pa man naglingkod sa gobyerno bilang Labor Undersecretary noong 2004 at Migrant Workers Secretary noong nakalipas na taon.
Makailang ulit na rin kumandidato ang batang Ople bilang senador – noong 2010 at 2016.
Naglabas na rin ng pakikidalamhati ang Palasyo hinggil sa pagpanaw ng DMW chief.
Para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., isang dakilang kampeon ng uring manggagawa si Ople.
“A great champion for the labor movement in the Philippines, she dedicated her life, in every waking moment, to the welfare of laborers in general and migrant workers in particular. She was tireless in her pursuit to always support and find protection for our workers,” ayon kay Marcos.