STORY 1
HINILING ng House prosecution panel sa Senate Impeachment Court na mag-isyu ng subpoena kay Atty. Zuleika Lopez, ang chief of staff ni Vice President Sara Z. Duterte para maging isa sa mga testigo at magpatotoo sa nilalaman ng Article IV ng Articles of Impeachment.
Sa mosyon ng panig ng tagausig para sa pagpapalabas ng subpoena ad testificandum, isinaad nitong bukod sa pagpapatibay sa alegasyon ng mabigat pagbabanta ng bise presidente sa buhay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at former Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ang testimonya ni Lopez ay makapagpapatunay sa documentary at iba pang ebidensiya laban sa nasasakdal.
Ang kontrobersyal na close-aide ni Duterte ay inihirit ng House prosecution panel na maatasang humarap sa Senate impeachment court sa nakatakdang paglilitis sa July 13, 14 and 15.
Matatandaan na noong Nobyembre 20, 2024 ay na-contempt ng House Committee on Good Government si Lopez kaugnay sa imbestigayon sa umano’y maling paggamit sa P612.5 million confidential funds ni Duterte at ito’y unang isinailalim sa custody ng Kamara.
Sa sumunod na araw ay sumugod ang bise presidente sa Batasan Complex para umano damayan ang kanyang long-time close aide at doon pa ito nag-overnight at noong Nobyembre 23 ay nagkaroon pa ng isang tensiyonadong sitwasyon matapos ng pigilan niya ang paglilipat kay Lopez sa Women’s Correctional Facility sa Mandaluyong City mula sa Batasan Complex.
Ayon sa prosekusyon, bilang chief of staff, si Lopez ang siyang may highest-ranking positions sa Office of the Vice President (OVP) kaya ang testimonya nito ay mahalaga sa mga pangyayari kung saan ginawa ng akusado ang naturang grave threats.
“Her testimony is expected to provide the court with firsthand information from within the Office of the Vice President regarding the events surrounding Duterte’s public statements.” Pagbibigay-diin pa ng prosekusyon.
Dagdag nito, ang testimonya ni Lopez ay magpapatibay at sasang-ayon sa iba pang ebidensiya na magdidiin sa akusasyon seryoso at hindi isang politically rhetoric ang nasabing pagbabanta.
Ang hakbang na ito ng prosekusyon ay pagpapakita sa nais nitong mapatatag ang kanilang kaso laban sa nasasakdal hindi lamang batay sa documentary, digital at testimonial evidences na hawak nito, kabilang audio-video recordings ni Duterte na nagpapakita ng kanyang pagbabanta
Kapag sinang-ayunan ng korte ang hiling ng prosekusyon, si Lopez ay maihahanay sa key witnesses para sa Article IV sa nakatakdang impeaachment trial sa susunod na linggo.
