PARA kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., napapanahon nang ipagbawal ang mga online games na nakakaimpluwensya sa asal at pag-iisip ng mga kabataan.
Gayunpaman, nilinaw ng Pangulo na kailangan muna ng masusing pag-aaral para matiyak ang epekto ng mga bayolenteng online games na posibleng dahilan ng karahasan sa hanay ng mga kabataan.
“All of these possible actions to be taken, like the banning of a certain… We already banned the game ‘yung the shooter sa Tacloban na apparently avid players of…” wika ng Pangulo.
Ayon kay Marcos, malaki ang epekto ng mga bayolenteng online games sa mga kabataan na gumawa ng karahasan.
“So it desensitizes the killing, nag-violence, kasi laro lang naman eh,” sabi ng Pangulo. “Kasi kahit mabaril ‘yan sa game, kahit bumaril ng 50 katao, mabubuhay naman eh. It desensitizes the kid that it’s not really that big a deal to shoot somebody.”
Kailangan din aniya suriin ng mga eksperto kung ang mga kabataan ngayon na lantad sa social media ay iba ang kinikilos kumpara sa mga bata sa mga nagdaang henerasyon.
Binanggit din niya ang “sexualization” aniya sa mga kabataan, lalo na ngayong lantad ang pornography sa Internet.
“So when it comes to sex and violence, there really is an effect. Social media really has had an effect. But what that effect truly is, is something that’s not as easy to answer as perhaps some of the other issues,” paliwanag ng Pangulo.
Garantiya ni Marcos, tutugunan ng pamahalaan ang problema sa kabataan, partikular ang pagbabawal sa ilang online games na maaaring magdulot ng masama o makaapekto sa mga bata.
