
ILANG araw matapos ibalik sa Alert Level 2 ang 26 lalawigan, pumalo naman sa 12.9% ang COVID-19 positivity rate sa buong bansa.
Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, ang COVID-19 positivity rate (bilang ng mga positibo base sa dami ng mga sinuri) at pumalo ng 12.9% mula sa 11.7% na nailatala noong Abril 25.
Sa datos na inilabas ng Octa Research Group, tumaas ng 2.3% ang antas ng mga nagpopositibo sa nakamamatay na karamdamang mula sa bansang Tsina.
Sa pagtataya ng Octa, posibleng pumalo sa 800 hanggang 1,000 kumpirmadong kaso ang maitala ng Department of Health (DOH) pagsapit ng Huwebes.
Maging sa Metro Manila na nagtala ng 8.1% positivity rate noong nakalipas na linggo, humataw na rin aniya sa 12.3% positivity rate.
Una nang nagpahiwatig si David na ang paglobo ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 ay posibleng dulot ng Omicron subvariant XBB.1.16 na mas kilala sa tawag na Arcturus.
Samantala, inamin ng DOH na nakapagtala na ang kagawaran ng unang kaso ng Arcturus sa lalawigan ng Iloilo.
Gayunpaman, gumaling na ayon sa DOH ang hindi pinangalanang pasyente ng Arcturus – isang variant na binabantayan ng World Health Organization (WHO) at European Center for Disease Prevention and Control (ECDC).