MATAPOS ang tatlong taon, nganga pa rin ang nasa mahigit 20,000 healthcare workers (HCW) sa benepisyong inilaan ng gobyerno sa mga nakipagpatintero kay kamatayan sa kasagsagan ng pandemya.
Panawagan ni Senador Bong Go na tumatayong chairman ng Committee on Health and Demography, sa Department of Budget ang Management (DBM), ilabas na ang pondo para sa allowance ng mga HCWs mula sa mga pribadong ospital.
“Nananawagan po ako sa Department of Budget and Management at sa Department of Health. As Chair po ng Committee on Health sa Senado, legislator po ako, mambabatas. Kami po ang nag-aaprub ng budget pero ang nagpapatupad nito ay ang ating Executive Department,” ani Go sa isang panayam ilang saglit matapos maghatid ng tulong sa mga maralitang residente sa San Jose de Buenavista, Antique.
“Alam n’yo, napakaliit lang po ‘yan na halaga katumbas ng sakripisyo ng ating mga frontliners. Bigyan po natin ng importansya ang ating mga frontliners po. Sila po ang nagsakripisyo sa panahon ng pandemya. Hindi po natin mararating ito kung hindi po sa ating mga frontliners. Dapat po ay bayaran kaagad. What is due to them, bayaran kaagad,” pakiusap ng senador.
Sa datos ng United Private Hospital Unions of the Philippines (UPHUP), 20,304 HCWs na nagsakripisyo sa mga pribadong pagamutan ang di pa nakukuha ang ipinangakong benepisyo at allowances.
Pagtataya ng UPHUP, nasa P1.94 bilyon ang naipit na pondo sa DBM mula pa Oktubre 2021 hanggang sa kasalukuyan.
Kabilang sa hinahabol ng mga private HCWs ang P1.84B One COVID-19 allowance (OCA), special risk allowance (SRA), health emergency allowance (HEA), at meals, accommodation, and transportation (MAT) benefit.
“Alam n’yo, nu’ng umpisa pa lang ng pandemya, nagsalita talaga ako sa Senado dahil mayroon pong namatay (na HCW), it took them two months po bago ihatid ang kanilang tseke. Alam mo, kapag may namamatay na health worker, ‘wag n’yo nang pahirapan sa mga requirements, dapat nga ihatid ang tseke sa pamamahay dahil nagluluksa pa ang mga ‘yan.”
“Same arrangement din po o treatment dito sa mga nagkasakit na mga healthcare workers natin. Ibigay agad ang ipinangakong financial assistance. Ito namang incentives nila, risk allowance, ibigay po. In fact, mayroon kaming inaprubahan sa Senado, ‘yung Republic Act 11712 na naglalaan po na bigyan sila ng risk allowance. Ngayon, ‘wag na pong patagalan,” dagdag ng mambabatas.
Alinsunod sa programang nagsusulong sa interes at kapakanan ng mga HCWs, inakda ni Go ang Republic Act 11712 para sa mandatory grant ng allowance at iba pang benepisyo sa hanay HCWs — may pandemya man o wala.
Nakasaad sa ilalim ng naturang batas ang buwanang allowance mula P3,000 hanggang P9,000, depende sa kategorya ng peligro sa rehiyon — bukod pa sa P15,000 na tinamaan ng COVID-19, o P100,000 para sa mga naulila ng HCW na pumanaw sa gitna ng pagtupad sa tungkulin.