
SA gitna ng patuloy na pagsasamantala ng mga negosyante sa likod ng pag-angkat, pag-iimbak, distribusyon at bentahan ng bigas, kinastigo ng mga kongresista ang tatlong ahensya bunsod ng kawalan ng malinaw na solusyon sa mataas na presyo ng bigas sa merkado.
Sa pagdinig ng ng House Quinta Committee, partikular na kinalampag ng mga mambabatas ang Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI), at National Food Authority (NFA) sa umano’y usad-pagong na deklarasyon ng Food Security Emergency.
Sa magkahiwalay na pahayag, kapwa nagpahayag ng pagkadismaya sina quinta committee lead chair Albay Rep. Joey Sarte Salceda at acting House Appropriations Committee chair Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo dahil sa makupad ng prosesong balakid sa agarang implementasyon ng Food Security Emergency.
Pag-amin ni Agriculture Undersecretary Christopher Morales, “umiikot na po ang yung papel” para sa rekomendasyon ng naturang deklarasyon.
Nang tanungin ni Quimbo kung ano ang balakid na dahilan ng pagkaantala ng deklarasyon, inginuso ni Morales ang National Price Coordinating Council (NPCC).
“We’re still waiting for the recommendation from the NPCC for the declaration. Yung paper po kasi I think umiikot nga,” wika ng Agriculture official.
Dito na nawindang si Salceda na napabulalas ng “Oh my God” bilang reaksyon sa tugon ni Morales.
Maging si Oriental Mindoro Rep. Arnan Panaligan, nairita sa sagot ng DA official.
“They have no sense of urgency… sabi nga ni Cong. Stella, emergency… papaikutin pa ang papel? Di ba pag may sunog emergency, magpapaalam pa ba yung mga bumbero sa mga superior bago siya makaalis sa sitwasyon?,” pasaring ni Panaligan.
Samantala, nanindigan naman si NFA Administrator Larry Lacson sa aniya’y batas na nagbabawal sa ahensya magbenta ng bigas direkta sa merkado maliban na lang kung may food security emergency declaration.
Dagdag niya, kapag ipinatupad ang naturang security emergency, aabot sa 300,000 bags ng lumang stocks ang pwede nang isalya sa halagang P29 per kilo at nasa 500,000 bags naman ng “regular” stocks na ibebenta ng NFA sa “subsidized price” na P38 per kilo.
Gayunpaman, hindi kinagat ni Salceda ang paandar ni Lacson. Aniya, walang ginagawa ang NFA para resolbahin ang mataas na presyo ng bigas.
Sa panig ni Quimbo, masyado umanong mahal ang P38 kada kilo ng bigas na ibebenta ng NFA.
Ani Quimbo, may dalawang rice retailers sa isang barangay sa Marikina City ang nagbebenta ng P39 per kilo ng bigas at ang suplay ng mga ito ay direktang nagmumula sa rice millers sa Bulacan at Nueva Ecija.
“Why can’t the Department of Agriculture do that?,” tanong ng lady solon, na sinundan ng sundot ni Salceda sa ibinida ni Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel sa pangakong P37 kada kilong bigas ng Bulacan-based rice millers at traders. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)